BANTAYAN ANG MGA HINDI TAPAT SA BAYAN

RESPONDE.jpg

NAGSIMULA na sa tungkulin ang mga hinirang na lokal na opisyal sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Umusbong ang mga tila bagito pa ngunit puno ng mga ideyang maaaring magpabago sa mga lokal na pamahalaan sa ating bansa.

Mula man sa mga kilalang pamilya ang ilan ngunit may bitbit na bago at sariwang mandato para sa taumbayan. Nandyan si Mayor Joy Belmonte ng Quezon City, Mayor Vico Sotto ng Pasig City, Mayor Isko Moreno ng Manila City.

Eto na ang maulan na panahon. Kinakabahan muli ang taumbayan sa mga baha at sakuna na dala nito. Nakita natin ang agarang responde ng a­ting mga bagong halal lalo na sa lungsod ng Quezon. Ikinatuwa ng mga estudyante at magulang ang maaga at maayos na pag-anunsyo ng walang pasok. Magandang pangitain ito na maagap ang ating mga opisyales.

Nangunguna rin sa aksyon itong si Mayor Isko Moreno na nagbigay ng magandang balitang 50% discount sa tuition fee sa Emilio Aguinaldo College sa ilang estudyanteng residente ng Maynila. Ito ay pagkatapos na rin ng sunod-sunod na clearing operations na kanyang isinagawa sa Blumentritt, Divisoria at Carriedo. Sabi nga nila, hindi na basura, tindero at pansamantalang istruktura ang naglipana sa mga daan ng Maynila. Unti-unti nang may liwanag sa daan at patungo na sa tunay na sadya – ang maga­mit ito ng mga motorista.

Hindi rin nalalayo ang mga plano ni Mayor Vico Sotto sa Pasig nang ilabas ang unang executive order na bumuo ng task force na pag-aaralan ang sitwasyon ng trapiko. Kasama na rito ang pagpapatigil muna sa odd-even scheme sa kanilang siyudad. Mainam ngang “unified” or isahan na lang ang patakaran sa lahat para na rin maibsan ang problema sa daan na nakaaapekto sa buhay at negosyo ng bawat Pilipino.

Maliwanag na sabik sa pagbabago ang taumbayan lalo na at mara­ming natibag na dinastiya sa nakaraang halalan. Bumabalik ang usapan ukol sa Anti-Political Dynasty Bill. Ilang dekada na itong nais gawing batas mula pa nang patalsikin sa Pilipinas ang mga Marcos. Hindi maipasa dahil na rin tila ayaw ng mga mambabatas na mawala sila sa kanilang mga pugad lalo pa at sunod-sunod na ang pag-upo ng kani-kanilang mga kapatid, asawa, anak at malapit na kamag-anak. Ang tanong – sila ba ay nagbibigay serbisyo sa bayan o sa kanilang pamilya at pangsariling kapakanan.

Suportahan natin ang mga bagong halal na buo ang loob para sa bayan. Bantayan ang mga politikong hindi tapat sa tungkulin at mapanlinlang. (RESPONDE ORA MISMO / KUYA JOE)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment