BAKA MAY ALAS SI FAELDON KAY PRES. DUTERTE

CHRISTIAN BOMB

TAMA ang naging desisyon ni Pangu­long Rodrigo Duterte na tanggalin na sa puwesto si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Nicanor Faeldon.

Nag-ugat ang pagsibak kay Faeldon dahil sa ginawa nitong pagpapalaya sa mga bilanggong drug lord, rapist at murderer, gamit ang batas na Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Bagamat malapit si Faeldon kay Pangulong Duterte, ay napilitan na ang Presidente na siya ay sibakin dahil nagalit sa gobyerno ang publiko sa ginawa nitong pagpapalaya sa mga presong sangkot sa mga karumal-dumal na krimen.

Hindi na sana umabot na nagalit sa gobyerno ni Pangulong Duterte ang taumbayan sa isyung pagpapalaya sa mga preso, kung nuong nasangkot si Faeldon sa drug smuggling  at tara system sa Bureau of Customs (BOC) ay sinibak na niya ito sa pamahalaan.

Ang naging problema nuon, sa kabila na nalantad sa Senado ang mga kabulukan sa Customs nuong si Faeldon pa ang commissioner ng BOC, ay mas kinampihan ito ni Pangulong Duterte sa halip na pakinggan ang panawagan ng mga senador na tanggalin ito sa gob­yerno.

Nagtaka ang publiko kung bakit sa kabila ng mga nabunyag na katiwalian sa Customs sa panahon ni Faeldon ay pinag-resign lang ito ng Presidente sa BOC at pagkaraan ay ipinuwesto bilang deputy administrator sa Office of Civil Defense (OCD) ng Department of National Defense (DND) at saka itinalaga bilang director general ng BuCor.

Bagamat sibak na sa BuCor si Faeldon ay mara­mi pa rin ang nagdududa na baka bigyan uli ito ng panibagong posisyon ni Pangulong Duterte sa kanyang gobyerno.

Malaking pagkakamali kung sakaling bigyan uli ito ng bagong posisyon ni Pangulong Duterte sa kanyang gobyerno, dahil kapag ginawa niya ito ay magdududa na ang taumbayan na may itinatagong alas si Faeldon laban sa Presidente.

oOo

TIMBRE: Paging PNP Chief Director General Oscar Albayalde! Isang alyas “Millora,” may pa-jueteng na sa Pangasinan; alyas “Toto Lacson” nagpapasakla sa Makati City; alyas “Tessie” may color games at drop balls sa Batangas; alyas “Lorna” may pa-bookies sa Maynila. (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment