BAKA MASIPA SA PAGKA-SPEAKER SI CAYETANO

CHRISTIAN BOMB

IKINAGALIT ni Pangulong Rodrigo Duterte ang na­ging kapalpakan ng mga organizer ng Southeast Asian (SEA) Games.

Bukod sa Pangulo, sa post ni Presidential daughter, Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ay binuska nito ang mga kongresistang sumuporta noon sa pagiging speaker ni Taguig City Rep. Alan Cayetano na sa ngayon ay nalalagay sa malaking kontrobersya dahil sa mga aberyang nangyari sa SEA Games na pinamamahalaan ng foundation nitong PHISCOG o Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee.

May punto ang mag-ama na magalit at madismaya sa naging pamamahala ng foundation ni Cayetano sa SEA Games dahil ang lumalabas na kahiya-hiya rito ay ang gobyernong Duterte.

Dahil sa galit ng Presidente at pagkadismaya ng anak nitong si Mayor Sara sa mga kapalpakang nangyari sa SEA Games hosting, posibleng pagkatapos ng SEA Games ay magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Kongreso.

At kung sakaling masipa sa pagka-speaker si Cayetano ay walang ibang dapat sisihin dito, kundi mismo ang sarili niya.

Ibinigay na kasi ng pamahalaan ang pondong hinihingi ng grupo ni Cayetano sa PHISCOG para pamahalaan ang SEA Games, tapos, pumalpak na naglagay tuloy sa malaking kahihiyan sa Philippine government.

PATI CORRUPTION IMBESTIGAHAN

Kahit humingi na ng paumanhin si Speaker Cayetano sa mga kapalpakan ng pinamumunuan niyang PHISGOC ay sinabihan pa rin ito ni Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go na hindi sapat ang sorry dahil nalagay sa malaking kahihiyan ang bansa dahil sa mga sablay na diskarte sa SEA Games.

Nauna rito, umamin si Cayetano, na may sablay sila sa mga samu’t saring problemang dinanas ng football team mula sa Timor-Leste, Myanmar at Cambodia.

Humihingi ng paumanhin ang PHISGOC sa mga naturang bansa dahil sa hassle na naranasan nila sa problema sa transportasyon, hotel arrangement at pati na sa pagkain.

“Bakit nangyari ang mga ganito? Hindi apo­logy ang kailangan natin ngayon. Hindi ito madadaan sa apology lamang. Ang kailangan ay gisingin lahat. Huwag papatay-patay,” ito ang pahayag ni Go sa kanyang privilege speech.

Dahil sa mga kapalpakan ng PHISGOC ay tiniyak ni Sen. Go na iimbestigahan niya ito kapag natapos na ang SEA Games sa bansa, at kahit sino raw ang masagasaan, ay dapat may managot.

Sana nga, totohanin ni Sen. Go ang sinabi niyang iimbestigahan niya ang kapalpakan ng PHISGOC at sana, hindi lang ang mga sablay ng grupo ni Cayetano ang imbestigahan, kundi pati ang mga napaulat na anomalya rito, kabilang ang P50 milyon ginastos sa SEA Games cauldron o kaldero.

oOo

TIMBRE: Paging NCRPO Director, Gen. Debold Sinas, hanggang ngayon daw ay tuloy pa rin ang lotteng at bookies nina “Kiko Payat” sa San Juan; “Rose” at “Cris” sa Pasig City;”Pedong Labo” at “Egay” sa Marikina City; “Ben Tanda”, “Dodo” at “Jerry” sa Mandaluyong. isang alyas “Noel” daw ang nag-o-operate ng video karera sa Malabon City at Navotas City. Pakitanong lang si Eastern Police District (EPD) Director, Gen. Johnson Almazan bakit wala siyang ginagawang aksyon sa mga gambling lord sa kanyang nasasakupan. Paging Laguna PNP Director, Col. Eleazar Matta, isang alyas “Rico” daw ang may mga pa-video karera sa Calamba City. (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment