BAHAAAA!

BOMBAHAN NA FINAL

UNANG Linggo pa lamang ng buwan ng Mayo ay nagsimula na namang umulan.

Kaya ang mga nakatira sa tabi ng mga sapa, ilog at creek ay nangangamba na naman.

Ang matataas na lugar na dating hindi binabaha ay nakararanas na rin ngayon ng pagbaha pagdating ng tag-ulan.

Isa na rito ang Novaliches na dating sinasabing probinsya ng Quezon City.

Ang Novaliches ay nasa Norte at dulong bahagi na ng Quezon City dahil nasa boundary na ng Valenzuela at Caloocan City.

Mabagal ang pag-angat ng Novaliches kung ikukumpara sa iba pang lugar ng Quezon City kaya naman minsan ay gusto nilang humiwalay sa siyudad.

Nagtangka ang ilang Novaleño na humiwalay sa Quezon City dahil maraming nagdaang administrasyon na umupong Mayor ay pinabayaan mang lugar na ito.

Ang Novaliches ang pinakamalaking lugar sa Quezon City at noong araw, ang ika-60 porsiyentong kabuuang kita (income) ng Quezon City ay nanggagaling dito.

Karamihan sa kita nito ay nagmumula sa mga pabrika dahil dito matatagpuan ang industrial subdivisions.

Dahil sa laki ng lot area at populasyon ng Novaliches ay nilagyan ito ng mini-city hall na matatagpuan sa Jordan Plains Subdivision, Brgy. Sta. Monica, Novaliches.

Pinamumunuan ito ng Secretary to the Mayor na si Mr. Tadeo ‘Tady’ Palma.

Makalipas ang matagal na panahon, ngayon unti-unti nang umaangat ang Novaliches.

Maraming establisimyento na ang itinatayo kaya naman kasabay nito ang naglalabasang mga problema. Tulad ng pagbaha, tuwing sasapit ang tag-ulan.

Ang Novaliches ay mataas na lugar sa buong Quezon City. Dati, hindi ito nakararanas ng pagbaha, ngayon lagi nang binabaha.

Bakit kamo? Dahil marami sa mga sapa, ilog at creek nito ay tinayuan ng mga gusali.

Kabilang sa mga ito ay ang itinayong gusali ng Honda Prestige sa may tulay na dinaraanan ng Tullahan River sa Quirino Highway, Novaliches.

Ang pagitan ng McDonalds at Nova Mall sa sentro ng Novaliches ay tinambakan ang sapa kaya tuluyan na itong nawala.

Tinambakan din at tinayuan ng gusali ang sapa sa may kanto ng Ramirez St. tagos sa may Susano St., Brgy. Novaliches proper.

Kaya naman hindi nakapagtataka na nung manalansa ang Bagyong Ondoy ay umapaw ang Tullahan River at binaha halos lahat ng parte ng Novaliches.

Babalik po ako sa nakaraan noong ako’y nasa elementarya pa sa dating Novaliches Elementary School na ngayon ay Susano Elementary School sa Brgy. Gulod, Novaliches. Dati ay nakaliligo pa kami sa Tullahan River.

Kaya tinawag itong Tullahan River dahil nakakukuha kami ng mga tulya noong araw rito.

Pero ngayon, ang makukuha na rito ay puro basura at dumi na nanggagaling sa mga nakatira sa paligid nito.

Tanong tuloy ng mga silipero kina Secretary to the Mayor Tady Palma, dating Rep. Annie Susano at QC District 5 Coun. Joe Visaya kung anong masasabi nila sa mga tinambakang ilog, sapa at creek sa may tulay sa Quirino Highway, Novaliches pagitan ng McDonalds at Nova Mall at sa dulo ng Ramirez St.?

Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danny Lim sir, sana masilip n’yo ang Novaliches para matingnan nyo kung anong ginawa nila sa mga daluyan ng tubig.

Kaya naman ang ganti ng Kalikasan ngayon ay baha tuwing umuulan.

Kaya ‘wag tayo magtaka tuwing umuulan kung ang Novaliches na dating hindi binabaha ay binabaha na ngayon.

Hindi masamang umunlad ‘wag lang sirain ang kalikasan.

Happy weekend, God Bless Po!

oOo

Pasabugin ang katiwalian, isumbong sa BOMBAHAN NA! sa email joel2amongo@yahoo.com o itext sa cel# 0917-120-40-74.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment