BAGONG MUNDO NI ROBREDO

NIPIS

NOONG Oktubre 31, taong kasalukuyan, itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD) upang pamunuan ang kampanya ng pamahalaan laban sa bawal na droga hanggang matapos ang kanilang termino sa Hun­yo 30, 2022.

Posibleng napikon na rin si Pangulong Duterte sa walang katapusang pagkontra ni Robredo sa tuloy-tuloy na kampanya ng administrasyon laban sa salot na droga.

Nasabi ng ikalawang pinakamataas na pinuno ng bansa na huwang nang ipagpatuloy ang kampanya laban sa droga na mabilis na nakuha ang reaksyon ni Presidente Duterte kaya’t maraming sagot ang naglabasan.

Sa bandang huli, nang masukol na si Robredo, sinabi nito na hindi naman niya sinabing ihinto o itigil ang kampanya. Ang sabi niya umano ay “not to continue” na parang sinasabi niya na iba naman sa pahayag na “stop”.

Naku, nagkalokohan na. Abogado si Robredo at abogado rin si Pangulong Duterte kaya nasa utak nila ang tamang interpretasyon ng mga nabitiwang salita.

Kahapon, hinihintay ng madla ang sagot naman ni Robredo sa hamon sa kanyang tanggapin ang pagiging co-chair ng ICAD. Hindi lang si Senate President Vicente “Tito” Sotto at Senator Bong Go ang humamon kay Robredo subalit ang buong bansa.

Kaya naman nang ianunsiyo ang pagtanggap ni Robredo sa posisyong ibinigay sa kanya bilang hamon kaugnay sa kampanya sa droga ay halos tumigil ang inog ng mundo ng  mga taong may koneksyon at nabubuhay sa droga.

Maging ang mga oposisyon ay namangha nang tanggapin ni Robredo ang offer sa kanya subalit bandang huli ay pawang nakangisi na rin ang mga kakampi ng da­ting mambabatas ng Bicol dahil sa binitiwan niyang salita.

Sinabi ni Robredo na kaya niya tinanggap ang alok ng pangulo ay dahil nais niyang matigil ang patayan ng mga inosente at mapapanagot ang mga kailangang managot lalo na ang mga opisyal na abusado, ang mga “ninja cops” at ang mga nagpapalusot ng tone-toneladang droga.

Wow! Very good si Madam VP. Tipong pabayani effect ang kanyang dialogue. Lalo na sa binitiwan niyang salita na ang alok sa kanya ay pamumulitika lang sapagkat hindi naman siya susundin ng mga ahensiya dahil gagawin ng mga ito ang lahat para hindi siya magtagumpay, ay handa siyang tiisin.

Parang nakakaloko naman ang kanyang binitiwang salita. Hindi pa siya nagsisimula sa trabaho ay may mga agam-agam na kaagad siya sa kanyang utak. Parang sinasabi niya sa mga tao na kahit anong gawin niya ay hindi siya magtatagumpay sa kanyang trabaho.

Eh di sana, hindi mo na lang tinanggap. Dapat, aksyon muna o magpasikat ka muna bago mo sabihing hindi ka susuportahan o susundin ng mga ahensiyang nasa ilalim ng pamumuno mo.

Hindi ba puwedeng tigilan ang pamumulitika? Di ba dapat ay magkaisa kayo ni Pangulong Duterte sa laban sa droga? Ang dapat ninyong unahin ay ang kapakanan ng bansa at hindi ng partidong sumusuporta sa inyo.

Sana matularan man lang ng mga namumuno sa bayan ang slogan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon na “ My lo­yalty to my party ends where my lo­yalty to my country begins.”

Maisapuso at isip  sana ng magkabilang kampo ang awitin ni Virna Liza  na “Magkaisa” na ang sumulat ng liriko ay walang iba kung hindi ang Se­nate President na si Sen. Tito Sotto. Nawa’y magsama nga ang bawat mamamayang Pilipino at lutasin ng kapitkamay ang lahat ng suliraning kinakaharap ng bansa.

Wala na muna sanang pasaringan ang magkabilang kampo at sa halip ay pag-usapan kung ano ang dapat gawin ni Robredo sa kanyang bagong puwesto nang sa ganoon ay magkaalaman kung hanggang saan ang kapangyarihang ipinagkaloob ng pangulo. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment