BAGONG BJMP CHIEF GENERAL IRAL, ISUSULONG ANG 4G’S!

KAAA BOOM

UNA sa lahat, binabati ko si Jail Director General Allan Iral sa pagkakatalaga nito bilang bagong hepe ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Congratulations Sir! Alam ko naman na kwalipikado ka na pamunuan ang BJMP at alam ko rin na kaya ikaw ang itinalaga ni Tatay Digong ko ay dahil tiwala siya sayo na iyong pangangalagaan ang ahensya na iyong kinabibilangan.

Alam ko rin na suportado ka ni Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año at kaya mong ayusin ang ahensya at linisin ang mga jail facility laban sa mga kontrabando partikular na ang iligal na droga.

Natatandaan ko nung OIC pa lang ng BJMP si General Iral ay nagawa nitong pababain sa 200 percent ang congestion rate ng mga jail facility sa bansa kaya naman lagi itong nakikipagpulong sa mga local chief executive para makapagtayo ng mga ka­ragdagang piitan sa bansa.

Ngayon na ikaw na ang BJMP Chief, natitiyak ko na maipatutupad mo na ang nais mong 4G’s o ang Guard the Gate, Guard the Badge, Guard the Purse and Guard the Life.

Sa Guard the Badge, sisipain ni Iral sa ahensya ang mga empleyado na scalawag na sangkot sa iligal na droga. Dapat lang Sir, tsugiin mo kaagad. Alam ko na marami sa mga BJMP personnel ang sangkot sa sindikato ng iligal na droga sa mga kulungan.

Bakit ko nasabi? Mantakin mo naman, paano kaya makakapuslit ang mga dalaw na may dalang shabu sa kulungan kung masusing hinahalughog ng mga jail guard ang dala-dalahin ng mga dalaw.

So, kung ganito kahigpit sa mga dalaw, sino ang magdadala ng droga sa kulungan? Sino kaya ang malayang nakapaglalabas-masok sa mga jail facility? Di ba ang mga BJMP personnel din? kaya dapat pag may nakapasok na droga ay may managot at gumulong ang ulo, di po ba sir Iral? May tama ako?

Ang akin lang naman, kung talagang gusto na malinis ni Iral ang mga jail facility sa bansa kontra iligal na droga ay dapat magpatupad ito ng polisiya na sa oras na mayroong marekober na shabu sa kulungan ay mananagot ang warden dahil sa command responsibility. Sibakin kung sino ang dapat na sibakin upang malinis ang ahensya.

Sinabi noon ni General Iral na magsasagawa siya ng mga greyhound sa mga kulu­ngan upang linisin ang mga jail ­facility laban sa mga kontrabando.

Tulad ng nasabi ko na noon, sana po Sir Iral, sa oras na magsagawa kayo ng paghahalughog ay magsama kayo ng mga mamamahayag upang hindi matawag na ‘bogus’ ang ginagawang greyhound sa mga kulungan.

Sakaling mangyari ito, tiyak na maghihigpit ang mga warden na makapuslit ang droga sa kanyang jail facility dahil magiging kahiya-hiya ito na mailalathala sa mga pahayagan o maririnig sa radyo, mapapanood sa telebisyon kung gaano karami ang droga na makukuha sa greyhound. Di ba may tama uli ako?

Inaasahan ko na magagawa ni General Iral ang mga nais nitong baguhin sa sistema ng BJMP. Alam ko rin na hindi nito sasayangin ang ibinigay na tiwala sa kanya ng Tatay Digong ko at ni secretary Año. Kaya po sir, aksyon na po agad! KABOOM!

Para sa inyong mga reklamo at sumbong, itext lamang ang inyong lingkod 09568824903 o mag-email sa joelive1298@yahoo.com

oOo

Makinig sa DWWW 774 Your Ultimate NewSic Radio, OPINYON MO, OPINYON KO Lunes hanggang Biyernes, 5:30am – 9am.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment