BABALA SA MODUS NG “ONLINE CASH LOAN”

TINIG NG MANGGAGAWA final

MAGSILBING babala sana ang isyu ng kolum natin sa mga naglipanang “online” CASH LOAN sa panahon ngayon.

Trending sa kasalukuyan ang ganitong uri ng pagpapahiram ng pera na UMANO’y walang kahirap-hirap, ayon sa kanilang “ads” online. Resulta nito, maraming nagogoyo sa ating mga kababayan na kadalasan nasa huli ang pagsisisi.

Hindi po hangarin ng kolum na ito ang makapanira ng negosyo basta’t lehitimong proseso ang pinaiiral. Nais ding linawin ng kolum na ito na hindi lahat ng ganitong uri ng pagpapautang ay may kaakibat na MODUS o RAKET.

‘Ika nga, “transact at your own risk!” Nasa inyo pa rin ang pagsusuri sa bawat transaksyon na pinapasok n’yo. Kaya nga nagbibigay tayo ng babala o paalaala.

Kapansin-pansin ang pagsusulputan nga­yon itong nauusong sistema ng pagpapautang sa pamamagitan ng internet. Bagama’t iba’t iba ang estilo nila, iba’t iba ang proseso, ngunit halos iisa ang resulta. Pauutangin ka ng CASH ngunit dakong huli malalaman mo na may kaakibat itong interes na walang iniwan sa estilo ng “5-6” o may interes na 20 percent kada utang sa loob ng isang buwan.

Halimbawa, sa isang online company, hihikayatin kang umutang ng P6 na libo na walang interes kuno. Ngunit kakaltasan naman ito ng halagang P500 bilang service fee para sa express approval kuno. Bukod dito, kailangan mabayaran mo ang pinahiram na P6 libo sa loob ng 10 araw, sa isang bigayan.

Kapag hindi mo ito nabayaran sa itinakdang panahon, dito manganganak ang INTERES bilang penalty. Halimbawa, 20 percent ng halagang ni-loan ay para raw sa Loan Extension Fee matapos na ‘di mabayaran sa loob ng 10 araw ang hiniram na P6 na libo.

Aabot naman ng 30% ang penalty ng utang na hindi mababayaran sa loob ng isang buwan at palaki ito nang palaki hangga’t hindi nakukumpleto ang bayad. Resulta, mababaon ka rin sa utang.

Sa ibang punto, panganib din ang kinakaharap ng isang naghahangad mangutang. Ayon kasi sa ilang proseso, kailangang sagutan ang mahahalagang impormas­yon na hihingin “online”. Darating pa raw sa puntong kailangang ipakita mo ang mahahalagang detalye sa isa sa inyong government issued “ID”. Ngunit ang masaklap nito, matapos mong sagutin ang mga tanong, sasabihin ng kompanya na wala raw sapat na pondo. Reject ang inyong application.

Sa madaling kuwento, na-bogus ang naghahangad mangutang. At kapag muli raw bubuksan ang site na humingi ng maraming impormasyon hinggil sa pagkatao ng borrower ay bigla itong magba-block o hindi na mabubuksan.

Ang masaklap pa rin nito, ang mahahalagang detalye ng iyong pagkatao at itinuturing na “confidential” ay ipapasa mo sa mga taong hindi mo kilala. Ang pagbibigay n’yo nito ay delikado. Magiging mapanganib sa parte ninyo kung sakaling gamitin ang mga impormasyong ito sa hindi magandang layunin. Kayo ang talo sa bandang huli.

Panawagan na rin ito sa mga kinauukulan. Aksyunan ang problemang ito, bago pa man makapaminsala nang husto ang lumalalang “MODUS” na ito.

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment