AYUSIN MUNA ANG JUSTICE SYSTEM BAGO IBALIK ANG DEATH PENALTY

CHRISTIAN BOMB

MATAPOS ang eleksyon at magwagi ang mga kandidato ni Pangulong Duterte ay naging mainit na naman ang usapin patungkol sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.

Isinusulong ng Malacañang na mapanumbalik ang death penalty kahit tutol dito ang Simbahang Katolika.

Ngayong nananalo ang mga kaalyado ni Pangulong Duterte ay nasa kamay na ng Senado ang desisyon kung maibabalik ito, partikular sa drug related cases at mga karumal-dumal na krimen.

Matagal na ang mga pagtatalo sa isyung ito, ayon nga sa mga pumapabor ay dapat na umanong maibalik ang death penalty dahil na rin sa mga krimen na nagaganap sa bansa, pero sa mga tutol dito, hindi ito sagot para mapigilan ang nagaganap na krimen.

Ang paglilitis ng mga kaso, maraming taon ang binibilang bago madesisyon na ito muna ang dapat na unahin kaysa sa pagdebatehan sa kasalukuyan ang parusang kamatayan.

Sa tagal umano nang paglilitis sa isang akusado, ilang taon na silang nagsilbi sa kulungan at sa ilang pangyayari ang iba ay napapawalang sala. Pero komo nga matagal ang desisyon naubos na ang kanilang panahon sa loob ng kulungan at saka lang mababatid na hindi sila nagkasala.

Sa ilan naman na pabor, mistulang ang Pilipinas, kung mapapansin na walang death penalty, ang madalas na makapagtala ng mga karumal-dumal na krimen.

Maituturing na ‘deterrent’ ang parusang bitay para kung hindi man tuluyang masawata ay mabawasan man lang ang matitinding krimeng nagaganap.

Sa totoo lang, dahil sa bulok na justice system na umiiral sa bansa, hindi pa muna dapat ibalik ang death penalty.

Kung susuriin ang mga nangyayari sa ating lipunan, karaniwan ay mahihirap lang ang naparurusahan sa mga kasong kanilang kinasasangkutan, at ang mayayaman ay laging nakalulusot sa parusa.

Dapat, unahin na maisaayos muna ang justice system sa bansa bago talakayin ang pagbabalik ng parusang kamatayan, upang hindi lang mahihirap ang masasalang sa bitayan, kundi pati ang mayayaman. (CHRISTIAN’S BOMB)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment