ANYARE DILG?

BOMBA KA DAY

MARAMING natakot nang ianunsyo ng Department of Interior and Local Government (DILG) na kakasuhan, sususpendihin at pananagutin ang mga local government official na hindi maglilinis ng kani-kanilang bakuran.

Kaya naman matapos ang anunsyo ng DILG, agad-agad kumilos ang mga local chief executive hindi lamang sa Metro Manila kundi ­maging sa mga lalawigan. Nationwide road clearing operations talaga ang nangyari bagaman hindi lahat naging masigasig pero maganda ang panimula ng naturang programa.

Maliwanag ang banta ng DILG, 60-araw ang palugit sa mga local executive para maglinis at kung hindi ay mananagot sila.

Setyembre 29 ng taong ito nagtapos ang ultimatum ng DILG. ­Nobyembre na ngayon pero tahimik na ang isyu tungkol sa clearing operations o pagbaklas sa mga balakid sa mga lansangan at bangketa.

Lalong walang nabalita na may alkalde o sinomang lokal na ­opisyal na ‘siningil’ ang DILG dahil sa hindi pagtupad sa kautusan.

Base mismo sa record ng DILG, 387 sa 1,516 LGUs, ang highly compliant sa memorandum circular, 635 ang nabigyan ng medium ­compliance ratings at 393 ang low compliance ­ratings.

Sana kung anong sigasig ng ahensyang ito sa pagbibigay ng babala ay ganun din sila sa pagkastigo sa mga opisyal na tamad sa paglilinis ng kanilang bakuran.

Anyare sa sinabi ni DILG Undersecretary Martin Diño na agad nilang iisyuhan ng show cause order ang mga hindi susunod na local officials?

Bakit sa huling anunsyo ni DILG Undersecretary and spokesman Jonathan Malaya, ang 60-day clean-up drive ie-extend na ng 75 days. Ito raw ay para bigyang pagkakataon ang LGUs na maituloy ang kanilang paglilinis.

Bakit parang lumambot ang naunang matigas na babala ng ahensya? Para saan ang pagkukumahog noong una di rin naman pala paninindigan.

Ito ang hirap sa mga Pinoy, masigasig sa ­simula pero tumatamlay sa bandang huli.

Sabi nga, ningas kugon. Kaya wag nang magtaka kung sa mga susunod na panahon dugyot pa rin sa maraming lugar sa Pilipinas. (BOMBA KA DAY! / JO BARLIZO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment