ANO BA TALAGA ANG SITWASYON NG WATER SUPPLY SA METRO MANILA?

KAAA BOOM

SA kabila ng napapadalas na pag-ulan, hindi pa rin pala tumataas ang level ng mga dam at bagkus ay patuloy itong bumababa. Kinakailangan pa rin natin ng maraming ulan para maibalik sa normal ang level ng mga dam. Ang naranasan natin pag-ulan nung mga nakaraang araw ay hindi naging sapat upang mapunan ang kakulangan sa suplay ng tubig.

Mas mababa pa rin sa critical level ang tubig sa Angat Dam at La Mesa Dam kumpara sa kanilang minimum operating level. Noong nakaraang araw, ang Angat Dam ay nasa 172.06 na mas mababa sa minimum operating level na 180 meters samantalang ang La Mesa Dam naman ay nasa 68.49 meters mas mababa rin sa critical level na 69 meters.

Ibig sabihin, kulang na kulang pa rin ang supply kaya nga’t nagkaroon ng krisis diyan sa Manila Water noong Marso. Eto pa ah. Sa patuloy na paglobo ng populasyon, siyempre dadami rin ang demand o yung mga gumagamit ng tubig. Ang problema, hindi pwedeng umasa na lang palagi sa ulan para mapuno o madagdagan ang kapasidad ng mga dam. Kailangan talaga ang mga bagong water sources bukod sa Angat at La Mesa.

Kaya lang, nasaan na ba tayo ngayon? Aba eh wala pa rin tayong medium at long-term water sources. Responsibilidad ng gobyerno yan kaya sana aksyunan na agad-agad.

So, ano ang idi-distribute ng mga konsesyunaryo na ito katulad ng Manila Water at Maynilad? Eh di kung ano lamang ang available.

Halimbawa, paano ba magiging 24 hours ang supply sa Manila Water kung kulang talaga ang supply nila. Yon palang alokasyon na nakukuha nila sa Angat na 1.6 billion liters of water per day ay pareho pa rin mula nang nagsimula sila noong 1997. Walang nagbago since 22 years ago. Ganoon din sa Maynilad na 2.4 billion liters of water per day na di na rin nabago kahit paparami ang tao at developments dito sa Metro Manila.

Pero para sa mas maayos na suplay ng tubig, patuloy pa rin ang pagsasagawa ng Manila Water ng pag-aayos nito ng serbisyong tubig sa nasasakupan nitong service area sa silangang bahagi ng Metro Manila. Ang water supply augmentation activities na ito ay tuloy-tuloy raw na isinasagawa upang mabawi ang kakulangan ng suplay ng tubig.

Kahit paano, medyo nagawan naman ng paraan ng Manila Water na mapatubigan yong mga lugar na nawalan ng tubig noong Marso. Ngayon, mahigit 90% na ang may access ng tubig kahit hanggang ground floor lamang. Pero dahil kulang pa rin ang supply, siguro talagang hanggang first floor lang hangga’t wala pa ang mga medium-term sources. Eh yan din pala ang standard ng Regulatory Office, ground floor level lamang.

Kaya kayong mga nakatira sa condo o medium-rise buildings o yong may mga second foor o higit pa na mga bahay, dapat may mga tangke kayo o imbakan ng tubig. Dati nga may elevated water tanks pa. Di ba uso din yan noon sa mga subdivision.

Isa pang magandang balita! Kahit paano pala eh may dagdag na nakukuha na supply ang Manila Water. Ayon sa mga lumabas na report, sa kasalukuyan raw, ang Cardona Water Treatment Plant nila sa Rizal ay nakapagbibigay na ng 50-56 million liters per day. Pati pala deepwells ay binubuhay na rin at nakakabigay naman ng mahigit 35 MLD; samantala ang pangakong tulong ng Maynilad na 50 MLD ay nakakuha ngayon ng mahigit 18 MLD. Kailan kaya mabibigay ng Maynilad ang balanse para matulungan pa ang Manila Water?

Yun nga lang, talagang medyo delikado pa rin ang sitwasyon natin sa tubig hangga’t walang pangmatagalang supply.

Para sigurado ay huwag muna tayong umasa sa 24/7 na serbisyo sa ngayon. At least di man 24/7, may tubig na rin at puwedeng mag-ipon di tulad noon na ilang araw na sunod-sunod na walang pumapatak sa gripo. Ngayon marami na rin naman ang may tubig ng mula 8 to 20 hours. Medyo hirap lang sa medyo matataas na lugar at yong malalayo, pero kahit papano eh nagkakatubig din. Balita ko may pumps na rin na inilagay para abutin nang mas matagal na supply.

Siyempre asahan pa rin na may interruptions pag may regular maintenance o tubong nasira para kumpunihin. Lalo na ngayon na pati kuryente kulang, kaya pag nawalan ng kuryente, nawawalan din ng tubig. Di tulad ng kuryente na i-on mo lang ang switch meron na.  Sa tubig, kahit may kuryente na, kailangang mag-build up pa ng pressure.

At saka tayong mga gumagamit ng tubig, dapat tayo ay matuto rin na magtipid muna lalo’t naranasan na natin kung paano ang buhay pag wala ito. Summer man o tag-ulan, dapat matuto tayong magtipid at wag aksayahin ang tubig. AND I THANK YOU!

Para sa inyong mga reklamo at sumbong, itext lamang ang inyong lingkod 09568824903 o mag-email sa joelive1298@yahoo.com

oOo

Makinig sa DWWW 774 Your Ultimate NewSic Radio, OPINYON MO, OPINYON KO Lunes hanggang Biyernes, 5:30am – 9am. (KAAA… BOOOM / Joel Gorrospe)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment