ANO ANG GAGAWIN NI FAELDON SA SBMA AT SUBIC FREEPORT?

ITO ANG TOTOO

KINIKILABUTAN ang mga taga Subic Bay Freeport at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa umugong na paglipat dito ni Nicanor Faeldon bilang SBMA Chairman & Administrator mula sa Bilibid Prison bilang Bureau of Corrections director.

Ito Ang Totoo: mula pa pagpasok ng 2019 ay matunog na talaga ang pangalan ni Faeldon na papalit kay kasaluku­yang SBMA Chairman & Administrator Wilma T. Eis­ma.

Walang nakikitang dahilan para palitan si Eis­ma, maayos naman ang pamamalakad nito kung pagbabatayan ang mga istatistiko sa investments, kita at direksiyon ng Subic Bay Freeport.

Gayunpaman, sini­ser­yoso ng marami ang pagpapalit kay Eisma dahil kung tinutumbok ni Faeldon ang SBMA/Subic Bay Freeport, hindi nito kailangan ng dahilan dahil sa lakas nito kay Pangulong Rodrigo Duterte, kahit anong gustuhin niya ay makukuha niya.

Ito Ang Totoo: magkahalo ang reaksiyon ng mga negosyante at residente ng Subic Bay Freeport nang sumabog ang nakapanlulumong pagpapalaya ni Faeldon sa halos dalawang libong convic­ted criminals kasama ang mga napatunayang gumawa ng heinous o karumal-dumal na krimen.

May natutuwa dahil baka hindi na ilagay sa SBMA/Subic Bay Freeport si Faeldon dahil nga sa kinasangkutang ano­malya sa pagpapalaya ng mga preso.

Ang iba, lalong nag-aalala dahil baka mapabilis ang paglipat nito sa SBMA at Subic Bay Freeport bunga ng problema sa Bureau of Corrections.

Ito Ang Totoo: noong hepe ng Bureau of Customs si Faeldon, parati ito sa All Hands Beach sa Subic Bay Freeport, kausap ang isa sa mga key personnel niya noon sa Port of Subic.

Kung ano ang kanilang pinag-uusapan, tiyak importante ito para sa kanila na kung pangsarili o para sa bayan ay Diyos lang ang nakaaalam.

Kung matutuloy si Faeldon sa Subic, tingin ng marami sobrang pang-aalipusta na ito sa mga taga-Olongapo, mga locator at residente ng Subic Bay Freeport.

Ito Ang Totoo: ang paglipat ni Faeldon sa Subic ay magiging  patunay na si Duterte ay walang malasakit.

Kung hindi naman, salamat. Walang kasalanan ang mga taga-Subic Bay Freeport, Olongapo, Bataan at Zambales para pagdusahin sa pamamahala ng isang kagaya ni Faeldon. Ito Ang  Totoo! (ITO ANG TOTOO / VIC VIZCOCHO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment