ANG SALIGANG BATAS

yourservice

PABALIK-BALIK ang mga argumento mula sa iba’t bang grupo at personalidad tungkol sa kahalagahan ng tinatawag nating Saligang Batas. Ano nga ba ito? Mahalaga ba ito sa ating buhay ngayon o maari na ba nating isantabi sa kadahilanang hindi na ito angkop sa makabagong pananaw ng iba nating kapwa Pilipino? Tama ba ang sinasabi ng iba na ito’y basura na lamang, o di kaya’y isang “toilet paper” na hindi na sumasalamin sa tunay na adhikain at pangarap ng samba­yang Pilipino ngayon?

Kung titingnan natin ang ating kasaysayan — ang 1987 Philippine Constitution ay ikatlo ng saligang batas ng ating bayan mula nang tayo’y nagkaroon ng kasarinlan mula sa mga Amerikano. Maliban sa tatlo – ang 1935, ang 1973 at ang kasalukuyang 1987 Philippine Constitution — maaari nating isama ang panandaliang saligang batas na tinatawag ngayon ng kasaysayan na Malolos Constitution. Malalaman din natin mula sa ating sariling kasaysayan na ang 1935 Constitution ay hango mula sa saligang batas ng mga Amerikano, maging ang istraktura ng ating pamahalaan. Ang 1973 Constitution naman ay nahirang noong panahon ni dating pangulong Ferdinand Marcos at nagbigay bunga sa tinatawag nating Batasang Pambansa. Ang kaibahan ng 1973 Constitution ay nagkaroon tayo, bagamat sa sandaling panahon, ng isang “unicameral legislature” di tulad ng kamara sa ilalim ng 1935 at 1987 Constitution kung saan binubuo ito ng dalawang hanay — mga senador at mga kongresista. Sa ilalim din ng 1973 Constitution, nagkaroon tayo ng Pangulo at Prime Minister.

Nung nag-People Power ang bayan, pinalitan natin ang 1973 Cons­titution ng kasalukuyang 1987 Constitution. Sa ilalim ng saligang batas na ito, ibinalik ang Presidential system at ang tinatawag na Bicameral Congress — binubuo ng mga halal na Senador at mga Representante kada distrito sa bansa. Pinalitan din sa ilalim ng Saligang Batas na ito ang sectoral representatives ng tinatawag natin ngayong Party List representatives.

Balik tayo sa una kong tanong — makabuluhan pa ba ang ating Saligang Batas sa takbo ng ating bansa? O tama bang ituring na lamang natin itong isang “toilet paper” at isantabi na lamang?

Sa aking munting palagay — ang Saligang Batas natin, o maging Saligang Batas ng anomang bansa — ay siyang tumatayong balangkas ng uri ng ating pamahalaan. Nakapaloob sa Saligang batas natin ang mga karapatang pantao na siyang nag-iisang depensa ng isang mamamayan laban sa pang-aabuso ng pamahalaan at ng mga ahensya nito. Dito rin nakasaad ang mga kwalipikasyon ng sinomang nais maging pangulo, pangalawang pangulo, senador, representante, mahistrado — mga kwalipikasyong ipinundar ng taumbayan nung kanilang pinagtibay ang saligang batas. Hindi ordinaryong papel o dokumento ang Saligang Batas, sapagkat ito ang pisikal na anyo ng soberanya na nagmumula sa bawat Pilipino. Ito ang tinatawag nating kontrata sa bawat isa, kontrata sa pagitan ng mamamayan at pamahalaan, kontrata sa pagitan nating lahat at sa Diyos sa itaas. Sa isang salita, ito ang pisikal na pamantayan na binigay natin bilang mamamayan kung saan nanggagaling ang ating sobe­renya bilang isang bansa, bilang isang mamamayan, bilang isang Pilipino. Hindi ito dapat isina­santabi, kundi ito ay dapat nasa gitna ng lahat ng pamamalakad ng pamahalaan at ng buong sambayanang Pilipino.  (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment