ANG KAKAPAL NG MUKHA N’YO!

BAKBAKAN NATIN

WASAK na kasi ang mora­lidad ng bansang ito.

Kaya, hindi nakapagtataka kung bakit maraming opisyal at kawani sa pamahalaan ang saksakan ng kapal ng mga mukha.

Ang matindi sa mga opisyal ng Games and Amusement Board (GAB) ay wala na ngang nagagawang kagilas-gilas at kahanga-hanga hinggil sa mga trabaho, tungkulin at obligasyong ibinigay sa kanila ng Executive Order No. 392, tapos naglabas pa ng P2.92 mil­yon noong Disyembre ng nakalipas na taon para sa kanyang mga opisyal at kawani.

Trabaho, tungkulin at obligasyon ng GAB na walang iligalidad na nagaganap sa mga propes­yonal na sports sa ating bansa tulad ng karera, boksing  at iba pa.

Maganda pala!

Ngunit, bakit walang naibabalita sa media na isinasagawang operasyon ang GAB laban sa iligalidad sa karera.

Sa Metro Manila, napakatalamak ng bookies sa karera.

Kapag napakatala­mak ng bookies sa karera, may anomalya sa boksing, at mayroong iligalidad sa sabong, ang pumapasok sa isipan ng publiko ay mayroong kumikita sa mga opisyal ng mga ahensiya ng pamahalaan na dapat nagtitiyak na walang iligalidad at anomalyang nagaganap sa nasabing isports.

Palpak na nga sa trabaho, pero kumita pa ng P2.92 milyon ang mga opisyal at kawani ng GAB noong Disyembre bilang “performance incentives.”

Hindi ba’t kakapalan ng mukha ang tawag dito?

Kung hindi kakapalan ng mukha, ano ang tingin n’yong dapat, eksakto at tamang itawag sa kanila?

Hindi ko lang matukoy nang eksakto kung sino o sinu-sino ang mga tao sa GAB na mayroong napakataas na antas ng kakapalan ng mukha.

Ang tiyak ko ay mayroong mga opisyal sa GAB ang walang pakialam sa pera ng pamahalaan na galing sa mga nagbabayad ng buwis.

Ayon sa Commission on Audit (COA), ang P2.92 milyon sinasabing “performance incentives” ng GAB para sa mga opisyal at kawani nito ay ibigay nang walang ligal na batayan.

Dahil walang ligal na batayan, idiniin ng COA na iligal at labag sa batas ang ginawa ng pamunuan ng GAB.

Ang GAB ay nasa ilalim ng office of the President (OP).

Si Abraham Khalil Mitra ang pinuno ng GAB.

Tiyak kong alam ng pamunuan ng GAB, lalo na itong si Mitra, na ayaw na ayaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na winawaldas ang pera ng pamahalaan nang taliwas sa itinakda ng batas.

Alam din nilang inis na inis si Duterte sa mga opisyal ng pamahalaan na pagpapasarap lang sa buhay ang ginagawa habang nakapuwesto sa pamahalaan.

Wala tayong sinabing ibinulsa at inangkin na ng mga opisyal at kawani ng GAB, sa pangunguna ni Mitra, ang P2.92 milyong inilabas nitong performance incentives.

Ang punto ko ay mali, iligal at labag ang ginawa ng GAB, ayon na rin sa COA.

Ang utos ng COA, isauli ng GAB ang P2.92 milyon!

Abangan natin kung tutupdin ng GAB.   (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment