ANG GURO NATIN NGAYON

yourservice

LAHAT tayo’y dumaan sa pag-aaral, maging sa elementarya ito, sa high school, sa kolehiyo o maging sa tinatawag nilang graduate school. Kadalasan, pag nagkakaroon tayo ng pagkakataong bumalik sa ating paaralan — makikita muli natin ang ating mga guro na andun pa rin — patuloy na nagtuturo, patuloy na nagsasakripisyo upang maibahagi ang kaalaman at karunungan sa mga murang isip ng kabataan.

Ngunit naiisip ba natin ang kanilang kalagayan? Ang kanilang sakripisyo? Totoo natutuwa tayong makita muli ang ating mga guro ngunit kadalasan ay hindi natin alam ang kanilang pinagdaraanan para lamang matupad nila ang kanilang tungkulin bilang guro — bilang tagahubog ng pag-iisip ng mga pinuno natin sa kinabukasan. Kalimita’y hindi natin alam kung paano nila sinakripisyo ang kanilang mga pangarap — ang kanilang mga panaginip — maging ang kanilang sarili at personal na buhay ay naisasantabi na nila para lamang matupad ang kanilang sinumpaang tungkulin bilang guro, bilang pangalawang magulang sa loob ng paaralan. Marami tayong nakikitang mga guro na tumatandang dalaga, tumatandang binata — para lamang mabigyang daan ang tungkuling hubugin sa kaalaman at karunungan ang kanilang mga mag-aaral.

Nakalulungkot lamang isipin na sa kabila ng kanilang sakripisyo at kontribusyon sa lipunan — kadalasan natin silang isinasantabi, binabalewala, hindi pinapansin.

Kadalasan, nalilimutan na natin sila pagkatapos nating mag-aral. Sino sa atin ang may huling alaala ng kanilang mga guro noong graduation pa?

Ang tinatawag na­ting pang-habambuhay na pagtuturo sa paglipas ng panahon ay nagmimistulang bokasyon na nila — hindi na ito tungkulin, hindi na ito trabaho — kundi ito’y isang pamumuhay o piniling bokasyong ma­ging isang ulirang guro, tagapagturo, pangalawang magulang, sa mga mag-aaral na taon-taon ay dumadaan sa pinto ng ating mga paaralan.

Kaya’t kung makikita natin silang naglalabas ng hinaing sa pamahalaan, nagbibigay ng mga komento at humihingi ng karagdagang sahod at mga pribilehiyo — ating intindihin na sila’y nagsilbing haligi ng ating buhay noong tayo’y mga bata pa.

Sila ang tumayong mga pangalawang magulang natin noong tayo’y may suliranin, may problema, may agam-agam at may panghihina. Mula sa kanila ay nagkaroon tayo ng tapang na harapin ang kinabukasan. Dahil sa kanila ay nagkaroon tayo ng talino at diskarte upang umunlad ang ating mga buhay. Dahil sa kanila, nagkaroon tayo ng sariling pag-iisip at pagkatao.

Sa aking munting palagay — kinakailangan nating bigyan na ng seryosong pansin ang kalagayan ng ating mga guro. Rebisahin na natin ang antas ng kanilang sahod at dagdagan natin ang kanilang mga benepisyo na makatotoo at totoong matutugunan ang kanilang pang-araw araw na pangangailangan. Makiisa tayo sa pagsulong ng batas na magbibigay na ng makabuluhan at dikit sa realidad na benepisyo kapalit ng kanilang sakripisyo at dedikasyon sa pagtuturo. Hindi po biro ang araw-araw na tumayo at magturo sa mga mag-aaral. Kalakip sa tungkulin nito ay pagmamahal, dedikasyon at katapatan sa tungkulin bilang guro. Tandaan din natin na malaking responsibilidad ang ipinapataw natin sa kanilang mga balikat — sa kanila nakasalalay ang kinabukasan nating lahat spagkat nasa kanilang mga kamay ang kahihinatnan ng mga murang pag-iisip at ang paghubog nito upang maging tapat na miyembro ng lipunang Pilipino. (@YOUR SERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment