ANG GURO, ESTUDYANTE AT MAGULANG

yourservice

MARAMI ang nagsalita. Marami ang nagalit. Marami ang nagbigay ng kanya-kayang opinyon at haka-haka. Marami rin ang naghagis ng bintang at sisi. May sumuporta, may nagdepensa, mayroon ding nagbiro. Suma total, naging usap-usapan ng karamihan nitong Sabado at Linggo ang naganap sa isang programa kung saan isinumbong, tinakot, hu­mingi ng tawad, at ipinahiya ang isang guro sa kadahilanang na-trauma raw ang isang mag-aaral nang palabasin ng silid-aralan dahil hindi raw nadala ang report card nito.

Binaha ang social media ng mga post at mga saloobin ng maraming tao, karamihan ay nagbibigay ng suporta sa guro na ipinahiya at tinakot na tanggalan ng lisensya. Maraming nagbigay ng mga kwento at alaala ng kanilang mga karanasan noong sila’y mga mag-aaral pa. May mga nagsusulong na kinakailangan din ng disiplina sa loob ng silid paaralan at ito’y dapat magmula sa tahanan. Umalma rin ang isang grupo ng mga guro na nagsabing hindi dapat dinadala sa media ang hinaing o reklamo tungkol sa mga guro at sa mag-aaral nito dahil ito’y labag sa batas tulad ng Magna Carta for Public School Teachers at alituntunin ng Kagawaran ng Edukasyon. Marami rin ang nagalit sa ginawa ng media program kung saan inako niya ang papel ng isang tumutugis at hukom, at kinalimutan na ang pag-intindi sa tinatawag nating due process na nasasaad sa ating saligang batas. Nagpalabas na rin ng mga panawagan ang Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, maging mga grupo ng mga guro sa bansa na ipaubaya natin ang usapin sa tamang pa­raan, proseso at lugar.

Sa aking munting pa­lagay, kinakailangan natin ng malawakang paunawa, pasensya, konsiderasyon at pakumbaba sa mga isyung ganito. Sa panig ng mga guro, hindi madali ang kanilang papel bilang pangalawang magulang ng kanilang mag-aaral sa loob ng paaralan. Baon na sila sa trabaho, pati ang kanilang libreng oras o araw ng pahinga ay naitutuon sa paghanda sa kanilang pagtuturo. Huwag na rin nating umpisahan ang usapin tungkol sa sahod dahil alam naman ng lahat na kulang na kulang ang ibinibigay ng pamahalaan sa kanila kumpara sa ibang mga kawani natin tulad ng mga pulis, sundalo, nurse at iba pa.

Sa mga magulang naman, hindi naman kasalanang ipakita na mahal ninyo ang anak ninyo at handa kayong ipagtanggol ang kanilang karapatan. Ngunit sana naman ay idinaan natin ito sa tamang paraan at proseso. Huwag nating unahin ang init ng ulo at paghihiganti, hindi po natin kaaway ang mga guro kundi kaagapay po natin sila sa pagtuturo ng inyong mga anak. Sa totoo lang sila’y itinuturing natin at ng batas bilang mga pangalawang magulang at mas nakasasalamuha sila ng mga bata dahil mas matagal silang nasa paaralan. Kaya’t mas mainam siguro kung idinaan sa magandang usapan ang  nangyari. Atin ding tandaan may mga itinalaga ang batas na mga alituntunin at tamang pamamaraan upang ihain ang mga hinaing at reklamong ganito at hindi kasama rito ang pagdulog sa tanggapan ng kahit anong istasyon ng telebisyon o radyo.

Ngunit nangyari na ang nangyari, ang mainam na gawin natin ay gamitin natin itong karanasan upang lalo mabigyan ng impormasyon ang mga magulang, mga guro at maging ang mga mag-aaral tungkol sa tamang pag-uugali sa loob ng paaralan, ang tamang pa­raan ng pagdidisiplina, ang tamang pagsusumbong at paghahain ng reklamo at higit sa lahat ang tamang proseso upang mabigyang lunas ang mga susunod pang mga isyu o problema tulad nito sa hinaharap. Ating tandan, ang paghubog ng ating mga mag-aaral ay tungkulin ng lahat, guro, magulang at ang mag-aaral. (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment