ANG BATAS AY BATAS KAYA’T DAPAT NANG IBASURA ANG NOMINASYON NI CARDEMA SA DUTERTE YOUTH PARTYLIST

CHRISTIAN BOMB

HINDI kwalipikado para ma­ging kinatawan ng youth sector o kahit mga propesyonal si dating National Youth Commissioner (NYC) Chairman Ronald Cardema.

Sa en banc hearing ng Comelec, tinanong ni Commissioner Rowena Guanzon si Atty. Rani Angeli Supnet, abogado ni Cardema kung kuwalipikado ang kanyang kliyente bilang nominee ng Duterte Youth Party­list, na tinugon nito na hindi dahil 34-anyos na si Cardema.

Nang tanungin din ni Guanzon si Supnet kung college graduate si Car­dema para kumatawan naman sa mga propesyonal, hindi ang naging tugon ng abogado, na ibig sabihin hindi rin ito puwedeng maging representante ng mga propesyonal sa Kongreso.

Dahil hindi kuwalipikado si Cardema na maging youth representative at professional representative ay wala nang saysay ang hirit nito na maging representante ng Duterte Youth partylist sa Kongreso.

Sa una pa lang ay gusto nang baluktutin ni Cardema ang batas patungkol sa partylist, at kabilang dito sa isyu nga ng edad, dahil ang dapat na edad na pang-represen­tante ng youth partylist ay 30-anyos pababa, at siya (Cardema) ay edad 34 na, bukod pa sa May 12, 2019 siya nag-file ng substitution sa kanyang misis na 1st nominee ng kanilang partylist, na dapat ay ginawa niya ito nuong last filing ng substituion nuong Nob. 29, 2018.

Nang matantiya ni Cardema na hindi siya uubrang maging youth representative, ang palusot nito ay mga young professionals naman daw ang kanyang ire-represent sa Kongreso, dahil kabilang daw ito sa adbokasiya ng kanilang partylist na Duterte Youth.

Sa panibagong palusot na ito ni Cardema ay pagpapakita na nais nitong walanghiyain ang batas sa partylist, dahil malinaw ang pangalan ng kanilang partylist ay Duterte Youth at hindi Duterte Youth and Young Professionals.

Dapat manindigan sa isyung ito ang Comelec at ipaglaban nila ang batas dahil ang batas ay batas at hindi ito puwedeng baluktutin ni Cardema kahit siya ay kilalang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa mga isyung iyan, wala na talagang dahilan para ipagpatuloy pa ang apela ni Cardema na maging congressman siya ng Duterte Youth, kaya’t dapat tanggalin na ang kanyang pangalan sa mga nominado ng kanilang partylist. (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Related posts

Leave a Comment