ANG 2019 BAR EXAMS

yourservice

NAG-UMPISA na po ang taunang pagsusulit para sa mga nais maging abogado — ang 2019 Bar examinations — na gaganapin sa loob ng campus ng University of Sto Tomas sa Lungsod ng Maynila. Taon-taon, sa buwan ng Nobyembre (dati ito’y ginagawa tuwing buwan ng Oktubre) ay dumadagsa ang libo-libong indibidwal na kukuha ng bar exam sa unang pagkakataon (yung iba naman ay sa pangalawang pagkakataon) upang makamit ang inaasam na pangarap — ang maging isang ganap na abogado sa Pilipinas. Sa taong ito, higit walong libo ang kukuha ng bar at malalaman natin kung sino sa kanila ang papalaring pumasa at kumuha ng kanilang panunumpa bilang isang miyembro ng hanay ng mga Pilipinong abogado sa Mayo o Hunyo sa susunod na taon.

Ang pagsusulit na ito ay nahahati sa walong subjects — Political at Labor laws sa unang Linggo (naganap noong Nobyembre 3); ang kukunin naman sa susunod na linggo ay ang Civil at Taxation law (Nobyembre 10); susundan ito ng Mercantile at Criminal law (Nobyembre 17) at ang huling pagsusulit ay ang Remedial law at Legal and Judicial Ethics and Practical Exercises (Nobyembre 24). Ang pagsusulit ngayon ay sasailalim sa tinatawag nating two-examiner rule kung saan ang bawat pagsusulit ay magkakaroon ng dalawang examiner. Pagkatapos ng bar examinations ngayon Nobyembre ay maghihintay ang ating mga barrister ng ilang buwan upang malaman ang resulta.

Kadalasan, nilalabas ng Korte Suprema ang resulta ng pagsusulit sa susunod na taon — Abril o Mayo. At pagkatapos nito, ang mga mapalad na pumasa ay lalagda ng kanilang pangalan sa Roll of Attorneys at manunumpa bilang mga bagong abogado.

Sa mga nais kumuha ng pagsusulit sa susunod na taon — ang kinakailangang isumite sa Korte Suprema (sa opisina ng Bar Confidante) ay kopya ng birth certificate, marriage certificate (kung naaayon), dalawang “Testimonials” mula sa mga ganap nang abogado, Opisyal na transcript ng mga grado sa kolehiyo at sa law school, sertipikasyon mula sa registrar ng law school, picture at isang self-addressed stamped envelope.

Sa aking munting palagay — hindi nag-uumpisa ang pag-review para sa bar examinations pagkatapos ng graduation sa law school. Nag-uumpisa ang review sa First Year ng law school pa lamang. Ugaliing mag-aral, sa unang pagkakataon hindi para pumasa sa klase kundi maging handa para kumuha ng bar examinations. Ang iyong kaalaman ng batas at ng mga kasong binabasa natin mula sa mga pahina ng mga desisyon ng Korte Suprema ay matututunan mula sa umpisa ng pagpasok sa law school at patuloy tayo sa pag-aaral kahit tayo’y maging abogado na. Ang preparasyon sa law school — ang dedikasyon, sakripisyo at disiplina — ang siyang susi upang tayo’y maging handa sa pagkuha ng bar examination. Tandaan, hindi lamang ini-estima ng bar examination ang inyong kaalaman sa mga batas, sa mga prinsipyo o konsepto — kundi ang inyong kakayahan mag-isip at humanap ng maayos at tamang paraan upang mabigyang solusyon ang mga suliraning legal — malaki man o maliit. Ang bar examination ay isang pagsusulit ng inyong kakayahan bilang isang propesyonal at isang tao — na maisama sa hanay ng mga abogado ng bayan. (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment