AKSYON NI MAYOR ZAMORA

BAKBAKAN NATIN

ISA sa mga ‘isinilang’ na alkalde nitong nakalipas na halalan ay si Francis Zamora.

Tinalo niya si Konsehala Janella Estrada, anak ni dating Senador Jose “Jinggoy” Estrada at apo ni dating Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa pagkaalkalde ng lungsod ng San Juan, balwarte ng pamilya Estrada-Ejercito simula noong 1969 hanggang nitong Mayo 13, taong ito.

Sa kanyang pag-upo bilang alkalde ng San Juan, sigurado akong mayroon nang ginawa si Zamora, ngunit hindi lang naibabalita araw-araw sa media at naipakakalat sa social media.

Isa sa mga ginawa na ni Zamora ay ang paglalabas ng Executive Order No. FMZ – 007 na ang pamagat ay “An Order Suspending Pay Parking in All the Streets of the City of San Juan, Metro Manila.”

Ang EO FMZ – 007 ay pagtalima ni Zamora sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na angkinin ng pamahalaan ang lahat ng pampublikong lugar at espasyo mula sa mamamayan at mga negosyanteng pinagkakitaan ang mga ito.

Sa pag-isyu ng kautusan, aabot sa P2.5 milyon ang mababawas sa kita ng pamahalaang lokal ng San Juan kada buwan mula sa nakukolekta nito sa mahigit 300 parking slots sa mga kalsada ng lungsod.

Sabi ni Zamora, isasakripisyo ng kanyang administrasyon ang P2.5 milyon na magreresulta naman sa mabilis na daloy  ng mga sasakyan at makaaalis ng stress sa mga motorista.

Totoo ang puntong ito ni Zamora, sapagkat higit na mainam ang desisyon niya kahit nabawasan ang kita ng pamahalaang lokal ng ilang milyon kung ang kapalit naman nito ay karagdagang kita sa ekonomiya dahil bibilis ang takbo ng mga sasakyan at mawawala ang trapik na dahilan kung bakit stressed ang mga motorista.

Ulitin ko ang banggit ni Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 22 na P3.5 bilyon ang halaga ng perang hindi pumapasok sa ekonomiya ng bansa dulot ng napakalalang trapik sa National Capital Region (NCR).

Isa sa mga tinamaan ng kautusan ng alkalde ay ang Annapolis Street.

Syempre, inaasahan ng lahat, kasama na ang kolumnistang ito, na ipatutupad ng mga traffic enforcer ang nasabing EO FMZ – 007.

Ang totoo, dito magkakasubukan kung istriktong maipatutupad ang nasabing kautusan, lalo pa’t mayroon palang tatamaang mga negosyante.

Ang mga negosyanteng ito ay pinagkakakitaan pala ang mga bangketa na pag-aari ng pamahalaan.

Sa pagpapatupad ng nasabing kautusan sa pangunguna mismo ni Mayor Zamora nitong Agosto 5 ay nadiskubreng pinagkakakitaan ng mga may-ari ng ilang establisimyento ang bangketa ng Annapolis Street.

Base sa isiniwalat ng negosyanteng si John de Castro sa media, P5,000 bawat buwan ang ibinabayad niya at ng mga nakatira sa Richbelt Terraces sa paggamit ng bangketa sa harapan ng gusali na ito at iba pang bayarin.

Ang bangketa sa harapan ng Richbelt Terraces ay pampublikong lugar, ngunit pinagkakakitaan ng mga negosyanteng tulad ng mga nagmamay-ari ng Richbelt Terraces kung sa kanila nga napupunta ang ibinabayad ni de Castro at iba pang tenants ng gusali.

Napakalinaw na labag ito sa batas, ngunit napakalinaw ring pinagkakakitaan ang mga bangketa.

Ang tanong ngayon ay: “Ilan lahat ang mga kaparis ng Richbelt Terraces na pinababayaran kada buwan ang kanilang bangketa sa mga naninirahan sa nasabing condominium?”

Kailangan ang mapagpasyang hakbang dito ni Mayor Zamora.

Kailangang kumilos din dito ang Sangguniang Panlungsod na pinamumunuan ni Vice-Mayor Warren Villa, lalo pa’t nasaksihan at narinig niya mismo ang inihayag ni De Castro sa media na P5,000 ang ibinabayad niya sa bangketang katapat ng Richbelt Terraces upang regular na makaparada ang kanyang sasakyan sa nasabing bangketa.

Ngayong mabilis na umaksyon si Mayor Zamora upang matanggal ang mga sagabal sa mga kalsada ng San Juan, ano kaya ang susunod niyang hakbang laban naman sa mga negosyanteng pinagkakakitaan ang mga lugar at espasyong pag-aari ng pamahalaan?

Malalaman natin sa mga susunod na araw.  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment