AKSYON LABAN SA MGA SCAM

RESPONDE.jpg

SUNOD-SUNOD ang balita sa mga “scam” nitong mga nakaraang linggo. Una na ngang napabalita ang KAPA sa Southern Mindanao na diumanoy humihingi ng donasyon sa kanilang mga mi­yembro at kumikita ng malaking pera mula rito. Eto ay pinabulaanan ng kanilang mga lider at miyembro. Milyon-milyong katao ang sumisigaw na KAPA ang naging sugo ng kanilang buhay. Halos gabi-gabi ang kanilang prayer rally para maibalik ang operasyon ng mga opisina at umaasa pa rin ang bawat isa na makatatanggap ng kanilang inaasam-asam na payout.

Ang nakagugulat ay wala ni isa mang pribadong complainant ang lumabas upang maumpisahan ang proseso para sa kasong estafa or syndica­ted estafa. Gayunpaman, mabilis pa sa alas kwatro ang NBI matapos iutos ni Pangulong Duterte na ipa­sara ang KAPA at matigil na ang patuloy na panlilinlang sa taumbayan.

Hindi pa nga lumipas ang ilang linggo, heto naman at may napabalitang “scam” din sa hanay mismo ng gobyerno sa opisina ng Philhealth. “Ghost Patients” o iyong mga patay na diumano ay nagpapa-dialysis pa sa mga center at ospital. At isa na rito ang WellMed Dialysis and Laboratory Center o WellMed na patuloy umano sa pa­ngungubra sa Philhealth kahit nga patay na ang pasyenteng nabigyan ng serbisyong dialysis.

Sa pagkakataong ito, merong complainants na naglabasan, mga whistleblower na dating empleyado ng WellMed na nagsiwalat sa scam na umuubos sa pondo ng gob­yerno para sa tunay na maysakit. Muling nagpalabas ng statement si Pangulong Duterte, inaatasan ang NBI “to arrest the idiot” upang mapabilis ang paghuli sa mga sangkot dito.

Dalawang pagkakataon ng pandaraya. Isa, mula sa pribadong sektor at isa mula sa sektor ng gobyerno. Isa, walang complainant at isa, meron. Ngunit sa dalawang pagkakataon, nanindigan ang ama ng sambayanang Pilipino! Itigil na ang panlilinlang na ito.

Mainam ang na­ging aksyon ng ating Pa­ngulo sa parehong kaso. Ang naglalaban lamang sa aking isipan ay kung tama ba ang naging pro­seso sa KAPA? Ang sabi ng mga abogado, base sa ating mga batas, dapat may complainant bago maumpisahan ang anomang aksyon. Ngunit kung ating susuriin, “pre-emptive measure” ang naging hakbang ni Pangulong Duterte upang mapatigil ang “scam”. Saludo ako sa ‘yo sa pagkakataong ito.  (RESPONDE ORA MISMO / KUYA JOE)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment