ADMINISTRASYON AT OPOSISYON MAGKAISA LABAN SA DROGA

CHRISTIAN BOMB

NAGPAPATUTSADAHAN na naman ang administrasyon at oposis­yon sa isyu ng kampanya laban sa droga.

Dahil sa nasiwalat na pamamayagpag ng “ninja cops” o mga pulis na sangkot sa droga at sa pagtaas ng bilang ng mga drug addict sa bansa, pinatutsadahan ni Vice President Leni Robredo si Pangulong Rodrigo Duterte na palpak daw ang “war on drugs” nito at dapat daw ay baguhin na ang style sa paglaban sa droga at hindi sa pamamagitan ng madugong giyera kontra droga.

Hindi nagustuhan ni Pangulong Duterte ang patutsada ni VP Robredo, kaya’t ang sabi ng Presidente ay ibibigay niya ang police power sa Bise Presidente para pamunuan ang paglaban sa droga sa loob ng anim na buwan, na agad namang tinugon ng oposisyon na kulang ang anim na buwan at mas mainam pa raw ay kusa nang magbitiw sa puwesto ang Pangulo at ipaubaya na sa Bise Presidente ang pamumuno ng bansa.

Dahil diyan, sumali na rin sa patutsadahan ang iba pang maka-administrasyon at maka-oposis­yon.

Para kasi sa mga maka-administrasyon, tagumpay ang “war on drugs” at patunay raw ang pagbaba ng crime rate sa bansa, pero ayon sa oposisyon ay bigo raw dahil kung pagbabasehan ang data, imbes mabawasan ay mas dumami pa raw ang naging lulong sa droga.

Ang patuloy na patutsadahan ng administrasyon at oposisyon sa isyung ito ay hindi makatutulong para mawakasan na ang problema ng droga sa bansa.

Imbes magpatutsadahan, dapat ay magkaisang maglatag ng solusyon sa paglaban sa droga ang administrasyon at oposisyon, at baka sakali, kapag napagsama-sama ang ideya nila ay tuluyan nang matigil ang bentahan ng droga at drug addiction sa bansa.

oOo

TIMBRE: Paging Eastern Police District (EPD) Director, Gen. Johnson Almazan, isang alyas “Rose” daw ang may pa-lotteng at bookies sa Marikina City. Paging Southern Police District (SPD) Director, Gen. Nolasco Bathan, tuloy pa rin daw ang bookies ni alyas “Toto” sa Makati City at lotteng ni “Joy” sa Para­ñaque City. (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment