46 NARCO POLITICIANS, POLITIKONG KORAP AT POLITICAL DYNASTY

BAKBAKAN NATIN

ANG 46 narco politicians, mga politikong korap at mga pamilyang nagtayo ng political dynasty ang tatlo sa mga resulta ng eleksyon na dapat antabayanan nating lahat.

Napakahalagang mabantayan ang resulta ng halalan upang malaman kung ang mga politikong korap, partikular ang tukoy at bantog na bantog na larangan ng katiwalian at korapsyon, mga pamilyang nagtayo ng political dynasty at mga politikong inakusahang sangkot sa iligal na droga, sapagkat dito natin malalaman kung anong klaseng mga tao ang gusto ng mamamayang Pilipino na maging opisyal at pinuno ng ating bansa sa susunod na tatlong taon (para sa mga pamahalaang lokal) at anim na taon (naman para sa 12 senador).

Kapag nanalo ang 46 narco politicians o kahit ilan sa kanila, mga kilala at tukoy na corrupt politicians, partikular sa Kongreso at mga politikong napakatagal nang nagtanim at naglatag ng political dynasty, ay huwag tayong magreklamo, sapagkat kasalanan natin kung bakit sila nagwagi sa halalan ngayong 2019.

Kung totoong sukatan ng pagsulong at pag-angat ng ekonomiya ng isang bansa ang gorss domestic product (GDP), walang dudang maunlad at angat ang ekonomiya ng Pilipinas, sapagkat pumapalo ang GDP ng bansa sa mahigit anim na porsiyento nitong mga nakalipas na taon.

Maaari ring maging pamantayan ang nagkalat na mga condominium, mall at napakaraming pribadong sasakyan.

Ngunit, umikot tayo sa mga gilid at sulok ng bansa mula Luzon hanggang Mindanao upang makita nating lahat ang napakaraming mahihirap na mga Pilipino.

Pinatunayan at pinagtibay pa ito ng mga malayang pag-aaral ng iba’t ibang pangkat ng mga mananasaliksik.

Kahit nga ang mga sinasabing mauunlad at nakaaangat na mga lungsod tulad ng Makati, Quezon City, Taguig, Muntinlupa, Cebu at iba, ngunit sinlapad ng Pacific Ocean ang lawak ng pamayanan ng mga mahihirap na mamamayan.

Napakaraming politiko, kabilang na iyong pasok sa iligal na droga, mga korap at mga politikong bahagi ng political dynasties ay nangako sa mga botante ng pag-angat ng kanilang buhay mula sa kahirapan, trabaho, pagtaas ng sahod at napakarami pang iba.

Mga pangakong palaging binabanggit ng mga politiko tuwing eleksyon, ngunit karamihan, kundi man lahat, ay hindi naganap.

Halimbawa, hindi malaki ang itinaas ng sahod ng mga manggagawa nitong nakalipas na tatlong taon, sapagkat P10 hanggang P25 lamang ang pinayagan ng mga Regional Wage and Productivity Boards (RWPBs) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Hindi rin tumaas ang sahod ng mga guro, mga nars at maraming iba pa.

Napakaraming Pilipino rin ang hindi nagkaroon ng trabaho, sapagkat napakanipis ng bilang ng trabahong kayang ibigay ng pamahalaan at ng mga pribadong kompanya.

Napakarami ring hindi naging regular sa kanilang trabaho, kabilang na iyong mga nagtatrabaho sa iba’t ibang ahensiya ng pambansang pamahalaan hanggang sa mga pamahalaang lokal.

Naganap ang lahat ng kapalpakan at suliraning iyan sa panahong ang mga nakaupo sa nakalipas na taon ay ang mga politikong ilang ulit nang nakapuwesto sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.

Iyong iba sa kanila ay nagbabalik uli upang magkaroon lamang ng posisyon sa pamahalaan at ipagpatuloy ang pagyaman ng kani-kanilang pamilya.

Totoong mayroong mga bagong kandidato, ngunit mahirap sumugal sa kanila, sapagkat wala pa silang napapatunayan sa larangan ng paglilingkod sa bayan.

Kapag nanalo ang narco politicians, mga korap na politiko at mga politikong mayroong political dynasty ay huwag kayong magrereklamo at magagalit sa kanila, sapagkat kayo ang bumoto sa kanila. (BAKBAKAN NATIN / Nelson Badilla)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment