40% NG NGCP PAG-AARI NG CHINA

BAKBAKAN NATIN

HINDI na maganda ang pagpasok o pamumuhunan ng People’s Republic of China sa Pilipinas, ­sapagkat maging ang kumpanyang namamahala sa sistema ng ­kuryente ng bansa ay napasok na rin ng China.

Ayon sa rekord ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ang State Grid Corporation of China (SGCC) ay 40 porsiyento ang pag-aari sa NGCP.

Ang Monte Oro Grid Resources Corporation (MOGRC) na pag-aari ni Henry Sy Jr. at ang Calaca High Power Corp. (CHPC) na pag-aari naman ni Robert Coyiuto Jr. ay 60 porsiyento ang pinagsamang sapi sa NGCP.

Ang nasabing consortium ay mayroong 25-taong concession contract at 50-taong prangkisa upang patakbuhin at pamahalaan ang power transmission system ng Pilipinas alinsunod sa Republic Act No. 9511.

Substansiyal na puhunan ang 40 porsiyento para sa isang negosyo.

Labing-isang porsiyento na lang, China na ang siyang pangunahing may-ari ng NGCP.

Nakababahala ang isyung ito.

Ibig sabihin kasi ng pagkakaroon 40% na sapi ng pamahalaan mismo ng China sa NGCP ay puwedeng maging batayan ng ‘paninikil’, ‘pananakal’ at ‘pananakot’ ng China sa Pilipinas, sapagkat kuryente ang pinatatakbo at pinamamahalaan ng NGCP.

Totoong hindi nilabag ang Saligang Batas sa nasabing kasunduan, sapagkat 40 porsiyento lang naman ang pinapayagan ng Saligang Batas na ­maging pinakamalaking pag-aari ng dayuhang kumpanya sa kumpanya sa bansa.

Ngunit hindi ‘yan ang punto rito.

Ang punto ay electric transmission system ang isyu rito.

Ang pagtatayo nga ng ilang negosyenteng Intsik ng prostitution den sa ilang bahagi ng bansa ay hindi na maganda, ito pa kayang 40% sa NGCP?

Iba pang bagay ang pagtatayo ng industriyang Philippine Offshore ­Gaming Operator (POGO) na kontrolado ng mga ­negosyanteng Intsik.

Hindi haka-haka o pagpapakalat ng pekeng balita na maaaring may masamang gawin ang China sa Pilipinas.

Tandaan natin na agresibo ang China sa pag-angkin nito sa West ­Philippine Sea (WPS).

Lahat ginagawa ng China upang masolo ang WPS.

Ngayon ngang panahon ay nakapagtatayo ng military facilities ang China sa maraming bahagi ng WPS.

Tapos, lahat ginagawa ng China upang hindi makapangisda ang mga mangingisdang Filipino sa karagatang bahagi ng WPS.

Walang magawa ang administrasyong Duterte laban sa China.

Hindi man lang nito ipagtanggol ang mga mangingisdang Filipino laban sa pambubusabos ng China.

Kaya posibleng mayroong gawin ang China sa Pilipinas, ngayong 40 porsiyento ng NGCP ay pag-aari ng kumpanyang pag-aari ng pamahalaan ng China.

Maaaring gawin ng China ang lahat ng diskarte upang  maging ‘sakal sa leeg’ nito ang Pilipinas.

Sabi nga ni Melvin Matibag, pangulo ng state-owned National Transmission Co. (NTC), sa Senado na mayroong kapasidad ang China na kontrolin at sa mas masahol ay ipatigil ang ­power transmission system ng bansa.

Kaya dapat imbestigahan nang mabuti ng Senado ang 40 porsiyentong pag-aari ng China sa NGCP.

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod.

Kaya tawag o mag-text na sa: 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN / Nelson Badilla)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment