3 POLICE MAJORS NASAMPOLAN KAY LT. GEN. GAMBOA

BOMBAHAN NA FINAL

HINDI pa man umiinit ang puwet ni Philippine National Police (PNP) Officer-In-Charge (OIC) Lt. General Archie Gamboa ay nakatikim na ng kanyang hagupit ang tatlong police majors.

Ang tatlong pulis na ito ay nangutong daw kaya naabala ang pagbili ng body-worn cameras na gagamitin sana sa anti-drug operations.

Tinutukoy po ni Sir Archie ay sina P/Maj. ­Emerson Sales, P/Maj. Rholly Caraggayan at PMaj. Angel Beros.

Ang tatlong itlog na ito ay kasama sa technical working group na ­hinihingian nila ng limang milyong piso (P5M) ang bidder na magsu-supply sana ng 300 ng body ­cameras na nagkakahalagang 334 milyong piso.

Taong 2018 ini-release ang pondo at nagkaroon ng bidding na walo ang sumali.

Habang nasa kalagitnaan ng post qualification sa bidding ay nabuking ang tatlong itlog na miyembro ng technical working group na nanghihingi ng limang milyong piso.

Pera na, naging bato pa?! Boundary na sana ang tatlong kulukoy na ito kung hindi nabulilyaso ang transaksyon.

Malas n’yo lang dahil nakatuon si Gen. Archie sa paglilinis sa hanay n’yo.

Hindi pa kayo nakuntento tinaasan na nga ang mga suweldo n’yo ni ­Pangulong Duterte suma-side line pa kayo sa ilegal?

Sinayang n’yo ang pagsusunog ninyo ng inyong mga kilay para lang makarating kayo sa mga ranggo na ‘yan.

Ngayon hindi lang kayo ang apektado pati ang mga pamilya n’yo lalo na ang inyong mga anak na nagsisipag-aral. Bully ang aabutin nila sa kanilang mga kaklase.

Anong sasabihin sa kanila? Mga pulis nga Daddy nila mga kurap naman.

‘Yan ang gusto n’yong mangyari sa mga anak ninyo? Kakahiya kayo!

“Baka naman po hindi lang tig-iisang pamilya ang mga ‘yan kaya ganyan po sila kakurap?”, tanong po ng isa sa nakausap nating empleyado ng gobyerno.

Hindi naman po ­lingid sa kaalaman ng mga empleyado ng gobyerno ang nakalagay sa batas ng Ombudsman at Civil Service Commission (CSC) na maging simple ang kanilang pamumuhay.

‘Di baleng yumaman ka kung galing naman sa mabuti, pero kung galing sa masama may problema ka.

Pwede po kayo isailalim sa lifestyle check at kung hindi magkatugma ang inyong yaman sa iyong sweldo… may kakaharapin po kayong kaso.

Iisa lang po ibig sabihin, ang yaman mo ay nanggaling sa masamang paraan.

Mas masarap pong mabuhay na yumaman na hindi galing sa masama at ang dahilan ay galing sa negosyong legal.

Pwede naman po tayong magnegosyo ng legal, kesa pumatol po tayo sa ilegal.

Malaking tulong po ng body cameras na ito sa police ­operations laban sa ilegal na droga.

Buhay po ng mga awtoridad ang nakasalalay riyan at makikita rin ang totoong pangyayari ng operasyon.

Hindi naman kaya nasanay sa ilegal na gawain ang tatlong itlog na ito?

Kasong administratibo ang kinakaharap ng tatlo matapos kasuhan.

Payo po natin sa iba pang mga pulis magbago na po kayo at baka kayo na ang maisunod pa ni sir Archie.

oOo

Pasabugin ang katiwalian isumbong sa BOMBAHAN NA mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com (BOMBAHAN NA! / Joel Amongo)

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment