QCJ WARDEN ‘ISINUSUKA’

QCJ

Unang labas

(Ni Nelson S. Badilla)

KUNG pakikinggan lang ang mga jail officer at mga bilanggo ng Quezon City Jail (QCJ) ni Interior Secretary Eduardo Año ay hangad nilang matanggal ang kanilang warden na si Supt. Fermin “Ike” Enriquez dahil sa umano’y hindi nito “makataong pamamalakad” sa QCJ.

Ayon sa impormasyong ipinarating sa investigative reporter na ito na simula nang umupo si Enriquez noong Enero 18 ng taong kasalukuyan ay “halos nalagas” o “mawala” ang allowance ng mga jail officer.

Si Enriquez na kilalang ‘bata’ ni Director Deogracias Tapayan, hepe ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ay siyang pumalit kay Supt. Ermerlito Moral.

Tinanggal si Moral nang walang malinaw na batayan o dahilan na dapat sana’y nakasaad sa papel na inisyu ni  Chief Supt. Arnold Buenacosa, BJMP Director ng Directorate for Personnel and Records Management, noong Enero 18.

Pansamantalang ipinuwesto si Moral sa BJMP – NCR.

Ayon sa mapagkakatiwalaang sources mula sa BJMP, si Enriquez ang ipinalagay ni Tapayan, sapagkat literal nitong sinusunod ang gustong mangyari at ipagawa ni Tapayan sa QCJ.

Ang ibig sabihin, ang utos ni Tapayan ang dapat masunod at mamayani sa QCJ – hindi iyong “eksklusibong gusto” ni Enriquez.

Nang mapuwesto si Enriquez, halos ‘makalbo sa kaligayahan’ si Tapayan, sapagkat “sa wakas” daw ay nawala si Moral na simula’t simula ay naging  ‘tinik sa lalamunan’ ng nasabing boss ng BJMP.

Alam na alam ito ni Chief Insp. Xavier Solda, isa pang ‘bataan’ ni Tapayan.

Hindi raw katulad ni Moral na kinokontra ang lahat ng ipinapagawa ni Tapayan sa kanya, banggit ng sources.

Kaya, nagsagawa ng mapagpasyang desisyon si Tapayan laban kay Moral kung saan kinampihan nina Chief Supt. Allan Iral, ikalawang pinuno ng BJMP at Chief Supt. Ignacio Panti, hepe ng BJMP – NCR.

Ilang araw mula nang makapuwesto si Enriquez, ang allowance ng mga jail officer na dating “napakaganda ang halaga” ay naging P1,000 na lamang ito. (ITUTULOY)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment