CALOOCAN: 8 HULI SA DROGA, BOKYA SA SUGAL

caloocan drugs12

(NI NELSON S. BADILLA)

WALO kataong sangkot sa iligal na droga ang nadakip ng mga pulis sa Camanava (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela) na pinamumunuan ng Northern Police District (NPD) sa buong magdamag mula hapon ng Abril 26 hanggang umaga kahapon, ngunit walang nasakoteng illegal gambling operators, kolektor nila at maging mismong mga sugarol.

Ayon sa ulat ng NPD na pinamumunuan ni PBrig. Gen. Rolando Anduyan, ang walong nasakote ay mula sa Caloocan.

Ang pagdakip sa kanila ng mga tauhan ni PCol. Restituto Arcangel ay bahagi pa rin ng patuloy na pagsasakaturapan ng kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.

Sila ay sasampahan ng kaso dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya sa Lunes.

Ngunit, malinaw sa parehong ulat ng NPD na walang nahuli ang kahit sinong tauhan ni Anduyan na sangkot sa anumang uri ng iligal na sugal sa buong Camanava.

Kahit ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng NPD na siyang “elite force” laban sa lahat ng uri ng iligalidad ay nangamote rin laban sa illegal gambling.

Kung babalikan din ang mga ulat ng NPD na inilalagay nito sa National Capital Region Police Office (NCRPO) Media Viber Group at ipinapasa sa mismong tanggapan ni NCRPO Director PMajor General Guillermo Lorenzo Eleazar, lumilitaw na nangangamote ang NPD ni Anduyan pagdating sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na pasugalan.

Madalas bokya ang iskor ng kahit anong Police Station (PS) laban sa illegal gambling.

Kung meron mang nahuli, mga residenteng nagtitiyaga sa cara y cruz ang mga suspek.

Bukas na liham sa mga negosyante at residente ng Camanava na napakatalamak at naglipana ang iba’t ibang uri ng iligal na sugal sa malaking bahaging ito ng Metro Manila.

Alam na alam ng mga negosyante at residente na maraming beterano at matitinik na illegal gambling operators sa Camanava tulad ng jueteng lord na ang ginagamit sa operasyon nito ay ang small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Batid din nilang namamayagpag din ang video karera operations, saklaan at lotteng.

Ngunit, ang pamoso at malakas sa buong Camanava ay ang jueteng na nagtatago sa operasyon ng STL.

Nabatid ng DIARYO BOMBA na hindi makaangal ang PCSO sa mababang intrega ng STL operator sa Camanava dahil hindi naman tapat, seryoso at puspusan ang operasyon ng NPD laban sa jueteng lord ng Camanava.

Hindi rin aktibong gumagalaw ang mga tauhan ni Anduyan at mga hepe ng pulisya ng Camanava kahit sa operasyon ng VK, sakla at lotteng.

Ang napakaliit na bilang ng mga nahuhuli ng NPD at mga police station nito laban sa iligal na sugal sa Camanava ay litaw na litaw sa ulat ni Brig. Gen. Anduyan sa tanggapan ni Eleazar.

Nabatid ng DIARYO BOMBA na mayroong umiikot sa lahat ng iligal na pasugalan sa Camanava na isang alyas “Tata Iking” ang ginagamit na pangalan kada isang linggo upang kubrahin ang lingguhang ‘tara’ o ‘parating’ sa mataas na opisyal ng NPD.

Nabatid din ng DIARYO BOMBA na multimilyon ang nakukubra ni alyas Tata Iking para sa opisyal ng NPD, sapagkat sa VK operation pa lang ay P1,500 kada isang makina bawat isang linggong operasyon nito.

Pinakamalaking magbigay ay ang jueteng lord ng Camanava na hanggang ngayon ay hindi pa napapahuli ni Brig. Gen. Anduyan simula nang ilipat siya sa NPD noong Nobyembre 2018 mula sa Manila Police District (MPD).

Ayon sa ulat ng NPD, dalawang yunit ng VK ang nakumpiska ng mga pulisya ng Caloocan sa buong magdamag simula nitong Abril 26 ng hapon hanggang kahapon ng umaga.

Walang nasakoteng may-ari ng VK at manlalaro nito, ayon pa rin sa ulat ng NPD.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment