SOLON SA BI OFFICIAL NA SANGKOT SA ANOMALYA: BISTADO NA, NAG-DENY PA

KINASTIGO ni Senador Risa Hontiveros ang ilang opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na todo tanggi bilang kasabwat ng sindikato na tinaguriang “Pastillas” scheme na nagpapasok sa mga Chinese national nang walang kahirap-hirap kapalit ng P10, 000 kada ulo.

Sa kanyang closing remarks matapos ang imbestigasyon ng Senate committee on women, youth and gender equality na kanyang pinamumunuan, sinabi ni Hontiveros na lubhang nakamamangha ang pagtanggi partikular ni dating Immigration Deputy Commissioner Marc Red Marinas sa anomalya.

“Bistong-bisto na, pero deny pa!” ayon kay Hontiveros.

Isinangkot ni Immigration Officer Alex Chiong si Marinas na malaki ang kinalaman sa pagpasok ng Chinese nationals sa bansa upang magtrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators or POGO, kapalit ng malaking halaga.

Naalarma rin si Hontiveros sa natuklasan ng komite na pati ama ng dating opisyal, si Meynardo Marinas ay naitalaga sa magandang posisyon sa BI.

“Hindi ba nakababahala na mag-ama ang nangangasiwa ng review, assessment and preparation ng VUA?” tanong ni Hontiveros.

Samantala, kinuwestiyon din ni Hontiveros ang pagtakbo ni Marc Red bilang alkalde ng Muntinlupa samantalang sumasahod lamang ito sa BI sa antas na Salary Grade 13.

Pinuna rin niya ang hindi pagsusumite ni Marc Red ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth [SALN] mula 2014-16 at nitong 2018. ESTONG REYES

 

Related posts

Leave a Comment