RIZAL REP. NOGRALES NABABAHALA; PAGPASLANG SA MGA ABOGADO KINONDENA

KINONDENA ni Rizal 2nd district Rep. Fidel Nograles ang pagpaslang sa kapwa abogado sa mismong opisina nito sa Talavera, Nueva Ecija.

Ang pagpatay kay Atty. Bayani Dalangin ay pang-apatnapu’t walong insidente na laban sa mga miyembro ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) simula noong 2016.

“Ang kulturang ito ng impunity na nagpapaliit sa halaga ng isang buhay ay dapat nang matigil,” ayon kay Nograles.

Kasabay nito, iginiit ng mambabatas na kailangang magsagawa ng imbestigasyon ang Kongreso upang matukoy kung ano ang magagawa ng Executive branch para mawakasan na ang pagpaslang sa mga abogado.

Inihain ni Nograles ang House Resolution No. 185 noong nakaraang taon na nananawagan na magsagawa ng inquiry ukol sa pagkamatay ng mga law practitioner.

Hinihimok sa nasabing resolusyon ang Department of Justice at Philippine National Police, sa pakikipagtulungan ng Commission on Human Rights at Integrated Bar of the Philippines, na lumikha ng special task force na magpapatupad ng legal na aksyon upang mahuli ang mga may sala o pananagutan sa mga pagpatay at mabigyan ng katarungan ang mga biktima.

“Mukhang kailangan pa nating paigtingin ang pangangalampag para marinig ng mga kinauukulan. Kailangan nating tapusin ang mga pagpatay na ito, dahil nalalagay sa balag ng alanganin ang buong legal system,” saad pa ng mambabatas, na nakakuha ng master’s degree in law sa Harvard.

Dagdag pa ni Nograles, hindi maayos na magagampanan ng mga miyembro ng law profession ang kanilang tungkulin kung nangangamba ang mga ito sa mga nagnanais na impluwensiyahan ang legal proceedings.

Ang mas nakababahala aniya, ang ganitong uri ng mga pagpatay ay magpapahina ng loob ng mga ordinaryong mamamayan para magsampa ng kaso laban sa mga makapangyarihang grupo o indibidwal.

“Gayunpaman, alam ko na ang ating mga abogado ay hindi kailanman masisindak sa sinomang nais maghasik ng takot upang sa gayon ay maaari nilang maantala ang paggulong ng hustisya. Ngunit ito ay responsibilidad ng estado na tiyakin ang seguridad hindi lamang ng mga abogado, kundi maging ng lahat ng mamamayan,” dagdag pa Nograles. SAKSI NGAYON NEWS TEAM

Related posts

Leave a Comment