‘QUACK DOCTOR’ NG ABU SAYYAF, 1 PA HULI NG NBI

(NI HARVEY PEREZ/PHOTO BY MAYA FELIZA)

NADAKIP ng mga ahente ng National Bureau of Investigation(NBI) ang dalawang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na may tig-P600, 000 patong sa ulo, kabilang ang isang ‘hilot’ o quack doctor ng kanilang grupo, sa magkahiwalay na pagkakataon sa Zamboanga City at sa Paranaque City .

Nasakote ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Counter Terrorism Division, ang mga suspek na sina Abdulla Addi Danial alyas ‘Tuma’ at Aluyudan Guru, alyas ‘Abu Tarik’ na kapwa dinakip sa bisa ng warrant of arrest sa kasong kidnapping at serious illegal detention na inisyu ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 266.

Ang dalawa ay ipinrisinta ni NBI Deputy Director Vicente De Guzman III, NBI spokeperson Ferdinand Lavin at CTD chief Raoul Manguerra sa ginanap na pulong balitaan.

Nabatid sa NBI na si Tuma ay nadakip noong Hulyo 31 habang papasok sa isang mall sa Zamboanga City, ng pinagsanib na pwersa ng NBI, Philippine Navy at Special Action Force.

Nalaman na si Tuma ay close associate umano nina ASG leaders Khadaffy Janjalani at Isnilon Japilon at nagsilbing manggamot ng ASG, sangkot sa pagdukot sa anim katao sa Patikul, Sulo noong Agosto 20, 2002 kung saan napugutan ng ulo ang dalawang lalaking hostage at ipinanghingi ng ransom ang apat na babaeng hostage, at positibong itinuro ng witness na perimeter guard. Siya ay nakasuhan, kasama ang namatay na si Galib Andang, alyas ‘Kumander Robot’.

Naging manggagamot gamit ang traditional medicine si Tuma nang mamatay ang dating nanggagamot na si ASG leader Gumbahali Abu Jumdail alyas ‘Dr. Abu’.

Si Tuma ay sangkot din sa kidnapping ng 21 katao na kinabibilangan ng 19 na banyaga at dalawang Pinoy sa Sipadan, Malaysia noong Abril 2000 at pagdukot sa tatlong Indonesian sailor na namatay habang hostage pa ng ASG.

Habang si Abu Tarik ay nadakip na nagtitinda ng medyas malapit sa Baclaran LRT station, sa Paranaque City nitong Agosto 15, sa isinagawang follow-up operations ng CTD, PN at SAF matapos makakuha ng impormasyon kaugnay sa pagkadakip kay Tuma.

Si Abu Tarik ay kinilala ng mga biktima na nagsilbing perimeter guard sa mga hostage mula sa Golden Harvest Plantation. Siya rin ay madalas umanong umuwi sa bayan niya sa Lanao Del Norte dahil malapit siya sa pro-ISIS Maute brothers at namataan din sa meeting ng ASG bago pa maganap ang Marawi siege at gumawa ng paraan para mapasok ng Yakan Group ni Isnilon Hapilon ang Marawi.

Nakatakdang i-turn over ng NBI ang dalawa sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment