PADRINO SYSTEM UGAT NG KORAPSYON SA PNP

BINALAAN ng Department of Interior and Local Goverment (DILG) na maparurusahan ang sinomang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na mapatutunayang nagpapairal ng “padrino” o “bata bata system” na siya umanong ugat ng korapsyon sa hanay ng kapulisan.

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, kahit sino ang kaanak o kakilala ng mga nais magpulis, kung hindi sila qualified, hindi sila pwedeng maging pulis.

Papatawan aniya ng kaukulang kaparusahan ang sinomang magpapagamit ng koneksyon para makapasok sa PNP.

Naniniwala ang kalihim na sa hiring process magsisimula ang cleansing program ng pulisya. Malaking ginhawa umano para sa PNP kung masasala agad ang mga aplikante bago makapasok sa serbisyo.

Dapat din aniyang maging transparent ang mga recruiter mula recruitment hanggang sa pagtanggap ng mga ba-gong pulis upang maiwasan ang mga iregularidad.

Nabatid na may 17,000 vacancies ang PNP ngayong 2020 kaya ngayon pa lamang ay higit pang paiigtingin ang ‘internal cleansing’ sa kanilang hanay.

Ito’y kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa ‘nakabaon’ nang korapsiyon sa PNP.

Ayon kay PNP Officer-in-Charge, Lt. Gen. Archie Gamboa, may nakalatag na silang mga programa kaugnay ng internal cleansing upang tuluyang malinis ang kanilang organisasyon. JESSE KABEL

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment