MALASAKIT HATID NI NOGRALES

MALAYONG BARANGAY SA MONTALBAN NAABOT NG AYUDA

GINUGOL ni Rizal, 2nd District Rep. Fidel Nograles ang araw ng Martes sa pamimigay ng ayuda sa isa sa pinakamalayong barangay sa bayan ng Montalban.

Kung ang iba ay ipinagdiriwang ang nakagawiang selebrasyon ng anibersaryo ng EDSA People Power tuwing sumasapit ang Pebrero 25, si Rep. Nograles naman ay ipinadama sa kanyang mga kababayan ang tunay na malasakit.

Tinungo ng grupo ni Cong. Nograles ang Brgy. Puray sa bulubunduking bahagi ng Montalban, Rizal para maipamahagi ang sampung (10) bisekleta para sa Barangay Health Workers (BHWs), 300 pirasong bags para sa mag-aaral mula kinder hanggang grade 6, groceries, gamot,  dalawang wheelchair para sa dalawang person w/disability (PWD) at cash para sa mga residenteng may reseta.

Labis naman ang tuwa at pasasalamat ng mga residente ng Brgy. Puray sa pangunguna ni Chairman Piloteo Agudez sa hatid na tulong ng grupo ng bagitong kongresista.

Ayon kay Agudez, malaking tulong sa kanilang mga kabarangay ang mga ipinagkaloob ni Nograles lalo pa’t napakalayo ng barangay nila sa kabihasnan.

Nabatid pa kay Agudez na mayroon silang 7,000 populasyon mula sa mga native na Dumagat at Bisaya. Nasasakop ng barangay ang halos 12-kilometrong distansya sa ibang sitio.

Mapalad aniya sila dahil dumating sa kanilang barangay ang masipag na kongresista na walang pagod na nagsiserbisyo sa kanyang nasasakupan.

Ikinatuwa rin ni Cong. Nograles ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga taga-Brgy. Puray.

Ayon sa mambabatas, hindi siya napapagod sa pagsiserbisyo sa kanyang nasasakupan dahil tungkulin niya ito bilang kinatawan nila sa ikalawang distrito ng Rizal.

Matapos ang pamamahagi ng tulong, nakihalubilo rin si Nograles sa mga residente ng barangay at inalam ang kanilang pamumuhay.

Upang mabigyan ng ginhawa ang mga taga-Brgy. Puray mula sa malayong paglalakbay para makarating sa kabayanan, nais ni Nograles na tuluyang maipaayos ang kanilang mga kalsada.

Nauna nang tinuran ng kongresista na handa siyang magkaloob ng tulong maging sa mga hindi nasasakupan ng kanyang distrito.

Kamakailan ay naghatid din ng tulong si Cong. Nograles sa Biñan City, Laguna para sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal. JOEL O. AMONGO

Related posts

Leave a Comment