MAHIGIT P20-M ILIGAL NA DROGA, NAKUMPISKA

cebu200

(NI NICK ECHEVARRIA)

MAHIGIT P20 million halaga ng mga ilegal na droga ang nakumpiska ng pulisya sa Cebu City at Cebu Province sa magkakahiwalay na  anti-drug operations nitong Biyernes ng gabi at Sabado ng umaga.

Base sa report, unang nasamsan ng mga tauhan ng Mambaling Police Station at mga elemento ng  Drug Enforcement Unit ng Cebu  City Police Office (CCPO) ang 1.6 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P11,390,000 mula sa naarestong taxi driver na si  Richard Barbosa, alias Butong, sa  Sitio Bayutan, Barangay Duljo-Fatima,  bandang alas-9:00 noong Biyernes ng gabi.

Si Barbosa ay kabilang sa mga high-value target ng Mambaling Police Station na isinailalim sa kanilang surveillance.

Bagama’t mayroon nang impormasyon, nagsagawa pa rin ang mga awtoridad ng imbestigasyon para matiyak kung saan kinukuha ng suspek ang suplay ng shabu na kanilang nakumpiska.

Samantala, sa isa pang operasyon, nakumpiska rin ng mga tauhan ng  CCPO ang 789 gramo ng shabu  na may katumbas na halagang mahigit P5 million.

Tatlumpung mga warrants of arrest umano ang isinilbi ng  CCPO laban sa mga akusado sa kanilang nasasakupan subalit 29  lamang  ang kanilang nadakip na karamihan ay nahaharap sa mga kaso ng paglabag sa ipinagbabawal na droga.

Alas-5:00 naman ng umaga nitong Sabado ng salakayin ng mga miyembro ng Toledo City Police Station ang isang plantasyon ng marijuana sa Sitio Himatogan, Barangay Captain Claudio.

Sa pagsalakay, pinagbubunot ng mga awtoridad ang halos may  10,000 puno ng mga fully-grown marijuana na may street value na  P4,000,000, kung saan naaresto ang isang Elmer Cantutay na nakatira malapit sa plantasyon na hinihinalang siyang may tanim ng mga binunot na marijuana.

Batay sa ulat ni  Police Lt. Col. Janette Rafter, hepe ng Toledo City police dalawang linggo  na nilang hinahanap ang nasabing taniman ng marijuana hanggang sa makatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen.

Naniniwala si Rafter na sangkot si Cantutay sa operasyon ng illegal drug trade dahil sa tindig ng bahay nito na pinakamalaki at pinakamaganda sa  nabanggit na lugar.

Ayon pa sa opisyal, ilang beses na silang nagsagawa ng operasyon sa nasabing lugar at sinira ang mga tanim na Marijuana, subalit nitong nakalipas na linggo lamang ay muli silang nakatanggap ng report na mayroon na namang nagtanim na nag-positibo.

Ang pagkakakumpiska sa mahigit na P20 million halaga ng mga ilegal na droga ay resulta ng magkapanabay at pinaigitng na mga police operations sa Cebu na inilunsad sa loob  ng magdamag.

 

Related posts

Leave a Comment