LAWYERS’ KILLINGS PINATUTULDUKAN NI REP. NOGRALES

Rep Juan Fidel Nograles-2

KAILANGAN nang tuldukan ang nangyayaring karahasan sa mga abogado at tiyakin ang kanilang kaligtasan at pag-iral ng batas.

Iginiit ito ni House Committee on Justice Vice Chair at Rizal 2nd District Rep. Juan Fidel Nograles.

Kasabay nito ay nanawagan ang mambabatas ng imbestigasyon sa pagpatay sa mga abogado, piskal at huwes.

Kahapon ay inihayag ni Nograles ang kanyang pag-akda sa House Resolution No. 185 dahil panahon na umanong kumilos ang gobyerno sa sunud-sunod na pagkitil sa buhay ng mga abogado na tinawag nitong “mga bantay sa Rule of Law.”

“Ang pag-atake sa abogasya ay pag-atake sa Rule of Law,” ayon sa abogadong mambabatas kasabay ng paliwanag na sa ilalim ng mga Batayang Prinsipyo sa Papel ng mga Abogado (Basic Principles on the Role of Lawyers), “nasa kamay ng gobyerno ang pagtitiyak sa paninilbihan ng mga abogado upang sila ay makaganap ng kanilang tungkulin nang walang pananakot, hadlang, harassment o hindi tamang panghihimasok.”

Ang Basic Principles on the Role of Lawyers ay ipinasa ng United Nations Congress on the Prevention of Crime and the Treatment of Offenders sa Havana, Cuba noong 1990, ayon kay Nograles, na may Master’s Degree in Law mula sa Harvard University.

Ayon pa sa mambabatas, na siyang nangasiwa sa isang free legal aid program sa Rizal bago mahalal sa Kongreso, “kapag napaparalisang maglingkod ang mga abogado dahil sa takot, dito nagsisimulang humina ang pag-iral ng Rule of Law. Huwag nating payagang mangyari ito.”

Mula Hulyo 2016, umaabot na sa 41 abogado, piskal at mga huwes ang napapatay sa bansa.

Kasabay nito, umapela rin si Nograles sa Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP) na bumuo ng task force na tututok sa pagresolba sa mga krimeng ito.

“Kapag ang mga kriminal na ito ay patuloy na mamamayagpag sa lipunan nang walang habas, lalong tatapang ang iba pang kriminal na gumamit ng dahas at pananakot huwag lamang makapagsilbi sa kanilang mga tungkulin ang mga abogado,” daing pa ni Nograles.

“Panahon na po para umaksyon. Di na natin pwedeng hayaan na lumala pa ang problema na ito,” pagtatapos ng mambabatas. (PFI REPORTORIAL TEAM)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment