BIKTIMA NG HAZING PAPANAGUTIN — REP. NOGRALES

Rep Fidel Nograles-3

NAIS ni Rizal 2nd District Rep. Fidel Nograles na maamyendahan ang umiiral na Anti-Hazing Law upang maparusahan na rin kahit ang mga biktima nito.

Ito ay dahil naniniwala ang kongresista na sa ganitong paraan ay matatapos na ang tinatawag na kultura ng impunity.

Ipinunto ni Nograles na maraming mga estudyante ang sumasali sa fraternity kahit alam nilang maaaring makaranas ng hazing.

“Umaasa tayo na sila’y mapipigilang sumali sa isang samahan na may kultura ng hazing kung may sapat silang kamalayan dito, gayundin, maaaring maparusahan ng batas,” pahayag ni Nograles.

Sinabi pa ni Nograles na pupuwede naman ding maging state witness ang biktima na nakaligtas sa lupit ng hazing.

“Kung may mga biktima tayo na handang proteksiyunan ng batas, mabigyan sila ng katiyakan laban sa posibleng paghihiganti, marahil sa susunod na hazing cases ay higit na magtatagumpay tayo kaysa mabigo,” ayon sa mambabatas.

Nakasaad sa isinusulong na batas ni Nograles na kailangang may mahanap na dalawang elemento sa biktima bago ikonsiderang kasabwat ng hazing.

Una, ang aplikante ay dapat nagkusang-loob at nagbigay pahintulot o pumayag na siya ay maging biktima ng hazing.

Pangalawa, ang biktima ay dapat na sadyang makipagtulungan sa aktwal na pagpapatupad ng hazing, nangangahulugan na ang ginawang hazing ay totoong nangyari at ang biktima ay kusang-loob na pinahintulutan ito na gawin sa kanya.

“Kung mawawakasan natin ang kultura ng impunity sa mga organisasyon na umaabuso sa kanilang hinihikayat na miyembro, dapat nating gawin na mas mahigpit ang anti-hazing law,” diin ni Nograles. “Gaya nga ng madalas sabihin, walang maaapi kung walang nagpapaapi,” dagdag pa ng kongresista.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment