BATAS KONTRA TEENAGE PREGNANCY ISINUSULONG NI REP. NOGRALES

REP NOGRALES-6

INIHAIN ni Congressman Fidel Nograles ng Ikalawang Distrito ng Rizal, ang isang panukalang batas para mapigil ang teenage pregnancy sa bansa.

Sa buong Southeast Asia, ang Pilipinas ay nakapagtala ng mataas na rekord ng maagang pagbubuntis sa mga kabataan.

Bunsod nito, inihayag ni Rep. Nograles na kailangang gumawa ng hakbang para mapigilan ang maagang pagdadalantao ng mga kababaihan.

Nitong Huwebes, sinabi ni Rep. Nograles na ang laganap na kaso ng maagang pagbubuntis ay lumilikha ng agwat sa pagitan ng batang magulang at mga serbisyong pangkalusugan, nutrisyon, edukasyon at kasanayan na inaasahang magiging kapaki-pakinabang sa kanilang hinaharap pagdating sa pag-unlad at kita.

“Para dun sa mga dating mahirap, ang pagbabalik sa pag-aaral ay hindi na isang mahalagang pagpipilian at ang paghahanap ng trabaho ang alternatibong mas pinagtutuunan para mabuhay,” may panghiniyang na pahayag ni Rep. Nograles.

“Kapag walang edukasyon at kasanayan, nangangahulugan ito ng mababang sahod at maikling termino ng trabaho para sa mga kabataang magulang at samakatuwid, hindi rin nila masyadong pinag-uukulan ng pansin ang kalusugan, nutrisyon at kalaunan ang edukasyon ng kanilang mga anak. Kapag nagpatuloy ito, ang mga batang magulang at kanilang anak ay mananatiling nakagapos sa tanikala ng kahirapan,” ayon pa sa mambabatas.

Sa House Bill 5516 o kilala bilang “Prevention of Adolescent Pregnancy Act of 2019,” ang mga kabataan ay bibigyan ng sapat at komprehensibong impormasyon na makatutulong sa kanila para umiwas sa maaga at hindi sinasadyang pagbubuntis.

Dagdag pa niya, nakapaloob din sa naturang batas na kailangang mahikayat ang mga batang magulang na magpatuloy at magtapos sa kanilang pag-aaral para magamit sa pagpapahusay ng kanilang buhay, madagdagan ang kanilang kakayahan, mas mapaunlad at mapalawak ang kaalaman sa angking husay na makatutulong sa kanilang pagdi-desisyon kapag sila’y sumapit na sa hustong gulang.

Ipinaliwanag pa ng kongresista, “dapat nating simulan ang pagbusisi ukol sa isyu ng maagang pagbubuntis ng mga kabataan na may kaparehong antas o kagyat na solusyon sa mga kaakibat nitong dahilan gaya ng kahirapan, edukasyon at access sa reproductive health services”.

“Kung hindi man, lahat ng ating pagsisikap, kasama ang paghubog sa potensiyal ng ating mga lider sa hinaharap at lakas-paggawa ng ating bansa, lahat ng ito ay masasayang kapag hahayaan nating manakaw sa ating mga anak ang magandang kinabukasan bunsod ng maagang pagbubuntis.”

Ayon sa datus ng Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang nasa 538 na sanggol ang ipinapanganak sa isang araw ng Filipino teenage mothers.

Ang gobyerno kamakailan ay nagbabala kaugnay sa lumolobong kaso ng teenage pregnancy, kung saan sinabi ni Socio-economic Planning Secretary Ernesto Pernia na ang lumalaking problema ukol dito ay negatibong naapektuhan ang pang-ekonomiyang pag-unlad ng bansa.

Para makatulong sa pagtugon sa aalalahing ito, ang Philippine Legislators’ Committee on Population and Development ay naglunsad kamakailan ng kampanyang “No More Children Having Children” sa pakikipagtulungan ng United Nations Sustainable Development Solutions Network at Population Commission (PopCom).

“Kasama ang government agencies, civil society organizations at iba pa nating partners, dapat ay sama-sama itong pagtuunan ng pansin at magtulungan para harapin ang usaping ito. Panahon na upang iligtas natin ang mga kabataan mula sa nakapipinsalang epekto ng teenage pregnancy at mapatatag ang proteksiyong panlipunan para sa mga batang magulang,” huling pahayag ni Rep. Nograles.

Related posts

Leave a Comment