AGUIRRE IMBESTIGAHAN – PALASYO

Itinurong utak ng ‘Pastillas’ scheme sa NAIA

PABOR ang Malakanyang na  isailalim sa masusing imbestigasyon si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II makaraang idawit  ang pangalan nito bilang protektor ng ‘Pastillas’ scheme o ang panunuhol ng mga Chinese sa mga tiwaling opisyal sa Bureau of Immigration (BI) para makapasok sa Pilipinas at makapagtrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Reaksyon ito ng Malakanyang sa pagbubunyag kahapon ng kolumnistang si Ramon Tulfo sa pagdinig sa Senado.

Ani Presidential spokesperson Salvador Panelo, kailangan lamang magbigay ng ebidensya si Tulfo sa Philippine National Police (PNP) para maayos na maimbestigahan si Aguirre.

“I think Mr. Tulfo would know what to do with whatever information he has. He has to share that to the proper authorities,” ayon kay Sec. Panelo.

Pumiyok si Sec. Panelo na hindi makakilos ang pamahalaan sa usaping ito dahil wala pa namang pormal na reklamo ang naisasampa laban kay Aguirre.

Ang sigurado lamang umano siya ay mananagot sa kasong kriminal si Aguirre kung mapatutunayang sangkot ito sa ‘Pastillas’ scheme.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate committee on women, youth and gender equality sa pamumuno ni Senador Risa Hontiveros, sinabi ni Tulfo na base sa impormasyon niya mula kay Immigration whistleblower Allison “Alex” Chiong, walang ibang utak ng ‘Pastillas’ scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kundi si Aguirre.

Sinabi ni Tulfo sa komite na base sa impormasyon ni Chiong, dinadala ang cut ni Aguirre sa P10,000 padulas sa kada Chinese nationals sa pamamagitan ng isang helicopter patungo sa tahanan ng dating opisyal sa Mulanay, Quezon.

Nauna nang ibinulgar ni Chiong ang “Pastillas” scheme sa naturang komite sa mga naunang imbestigasyon hinggil sa kaugnayan ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa human trafficking, prostitution, kidnapping ng kababaihan at iba pang krimen.

Sinabi ni Chiong na nagbabayad ng halagang P10,000 kada ulo ang mga dumarating na Chinese nationals, kasabwat ang ilang matataas na opisyal ng BI na tinaguriang “boss” sa mga viber group.

Inilalagay umano ang naturang halaga sa ibang bond paper, saka pinaghahatian sa loob ng tanggapan ng BI sa NAIA.

Sa kanyang testimonya, inakusahan ni Tulfo si Aguirre na kumopo sa posisyon ni Immigration Commissioner Jaime Morente at inilagay sa kanyang kamay ang kapangyarihan na kumalap, magsibak at mag-reassign ng tauhan sa immigration.

Aniya, ito ang dahilan kung bakit nakapasok bilang opisyal sina Marc Red Mariñas – kilalang  “protector” sa immigration mafia at ama nitong si Maynardo Marinas sa ahensiya.

Inamin naman ni Chiong na tumanggap siya ng bahagi ng “pastillas’ scheme na umaabot sa P20,000 kada linggo para sa nakatalaga sa NAIA Terminal 1 at P8,000 kada linggo rin sa Terminal 3. Hindi niya alam ang hatian sa Terminal 2 dahil hindi siya naitalaga roon.

Itinanggi naman ni Marinas ang “pastillas” modus noong panahon niya sa Immigration. CHRISTIAN DALE, ESTONG REYES

 

Related posts

Leave a Comment