50 BABOY IPINAMIGAY NG EX-MAYOR SA EVACUEES

pig12

BATANGAS – Ipinamigay ng isang dating mayor ang kanyang mahigit na 50 alagang baboy upang maging pagkain ng mga biktima ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal, sa iba’t ibang evacuation centers sa lalawigang ito.

Noong Huwebes ng umaga nang mag-post sa Facebook si dating San Nicolas Mayor William Enriquez at iniaalok ang kanyang mga baboy sa mga taong nasa evacuation centers.

Bago magtanghali ay nasimot lahat ang kanyang mga alaga na nasa isang farm sa San Nicolas na isa rin sa matinding naapektuhan ng pagsabog ng bulkan.

Ayon sa 57-anyos na dating alkalde, nakita niya ang matinding kakulangan sa pagkain ng evacuees sa kanyang tatlong araw na pagsilong sa As-is Elementary School na ginamit na evacuation center sa bayan ng Bauan, matapos na lumikas mula sa kanilang bahay sa Poblacion ng San Nicolas.

Matapos silang magkatay ng dalawang baboy na kanyang ipinakuha sa kanyang farm, doon niya naisip na ipamigay na ang lahat ng kanyang mga alaga.

Aniya, hindi naman eksklusibo sa mga taga San Nicolas ang kanyang ipinamigay at ipinamahagi rin ito sa evacuees mula sa mga bayan ng Agoncillo, Lurel, Lemery at Taal.

Si Enriquez ay dalawang terminong naging vice mayor at isang termino bilang mayor ng San Nicolas mula 2016 hanggang 2019. (NILOU DEL CARMEN)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment