2 PINAY BIKTIMA NG SEX RING SA THAILAND NASABAT SA NAIA

pal12

(NI FROILAN MORALLOS)

HINARANG sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2 ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Pinay na pinaniniwalaang biktima ng sindikato para mag-perform ng sex act sa ibang bansa kapalit ng pera.

Pasakay na ang dalawang Pinay sa kanilang flight sa Philippine Airlines (PAL) sa Naia terminal 2 papuntang Bangkok, Thailand nang masakote ng mga tauhan ng Immigration Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) bago makaalis.

Ayon sa pahayag ni Commissioner Jaime Morente, agad nilang inirekomenda sa BI ang pagpapa-blacklist sa isang Omani na kumuha sa serbisyo ng dalawang Pinay.

Kasama ring inirekomendang mai-blacklist si Khalid Khalaf Gharib Al Shuraiqi, nagsilbing ‘escort’ ng dalawang Pinay, matapos mabuking ang kanilang modus.

Inamin ng isa sa biktima sa mga immigration officers na pinangakuhan sila ng halagang P5,000 kada araw kung makikipagtalik sa isang Omani sa loob ng walong araw .

Sinabi ng mga biktima na kapos sila sa pera at kapwa tumatayong breadwinner ng pamilya kaya’t napapayag silang bumiyahe ng Thailand para magtrabaho.

Ayon naman kay Morente, maituturing na undesirable alien ang mga dayuhan na magbubugaw o pagtatrabahuhin bilang prostitute sa ibang bansa ang mga Pinay.

Idinagdag nitong sinasamantala nila ang kahinaan at kahirapan ng mga Pinay kaya’t madali nilang napapapayag ng ganoong uri ng trabaho sa ibang bansa.

Ang dalawang biktima ay inilipat sa pangangalaga ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sumailalim ng masusing imbestigasyon.

 

Related posts

Leave a Comment