2 ARESTADO SA P68-M SHABU SA UKAY-UKAY

ARESTADO ang isang babaeng ukay-ukay vendor at kasamang lalaki makaraang makumpiskahan ng P68 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Pasay City Police dakong alas-8:30 ng gabi malapit sa isang provincial bus station sa Apelo Cruz Street kanto ng EDSA, Barangay 51, Zone16, Malibay, sa lungsod na ito.

Kinilala ni Pasay City Chief of Police Col. Bernard Yang ang mga suspek na sina Mia Bianca Atendido at Dave Tajores Realin, taga-Brgy. Cabuco, Trece Martirez, Cavite, nakumpiskahan ng halos 10 kilo ng umano’y shabu na P68,000,000 ang street value.

Sa tip na natanggap ng pulisya, ginagamit umano bilang front ni Atendido ang pagtitinda ng ukay-ukay sa pagtutulak ng ilegal na droga kasabwat si Realin.

Tinitingnan ng pulisya ang koneksyon ni Realin sa toneladang shabu na naipuslit sa Cavite nitong nakaraang taon gayundin ang kinalaman niya sa operasyon ng ilang Chinese national na sa dagat idinadaan ang mga kontrabando.

Kabilang sa nasamsam sa dalawang suspek ang P800,000 boodle money at dalawang piraso ng tunay na P1,000 peso bill.

Ang nakumpiskang droga ay nasa pangangalaga na ng SPD Crime Laboratory para sa chemical analysis habang ang dalawang suspek ay nakadetine sa Station Custodial Facility. (DAVE MEDINA)

Related posts

Leave a Comment