TRUCK HOLIDAY UMARANGKADA NA

TRUCK HOLIDAY

Minaliit ni Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) president Sergio Ortiz-Luis Jr. ang idineklarang truck holiday ng ilang grupong naglalabas ng mga cargo sa port area sa lungsod ng Maynila.

Ayon kay Ortiz-Luis, maliit na grupo lamang ang nagprotesta at hindi nito gaanong mapaparalisa ang pagpasok ng mga produkto mula sa ibayong dagat.

Pero nagdulot pa rin ito ng mahabang pila ng mga truck na naging dahilan ng pagbigat ng daloy ng trapiko.

Ang pagkilos ay pinangunahan ng Alliance of Philippine Brokers and Truckers Association para kontrahin ang phase out sa 15-year old na mga truck na ipinatutupad ng Land Transportation Office (LTO), pati na ang matagal na pagkatengga umano ng kanilang mga unit sa loob ng port area.

Sa kabila nito, inaalmahan naman ng Alliance of Concerned Truck Owners and Operators ang hakbang na ito ng ibang truckers.

Ayon kay Ricky Papa, mistulang umaangal ang ibang grupo para sa problemang matagal pa naman bago mangyari dahil sa 2020 pa maaaring maipatupad ang paghihigpit sa mga lumang trucks at maaari pa naman itong mapag-usapan.

Nabatid na may 100 truck ang lumahok sa protesta na nagsimula kaninang umaga sa Maynila na tatagal ng limang araw.

Related posts

Leave a Comment