TRAFFIC ENFORCER SINAKSAK  NG NAPIKON NA BARKER

traffic1

(NI KEVIN COLLANTES)

ISANG traffic enforcer ang sugatan nang dalawang ulit  tarakan ng balisong ng isang barker, na nagalit dahil sa paulit-ulit na pagsaway sa kanya ng biktima na magpasakay ng mga pasahero sa isang no unloading area sa Barangay Pedro Cruz, sa San Juan City nitong Biyernes.

Ginagamot na sa ospital si Virgilio Malpas Sr., 51, traffic enforcer, dahil sa dalawang tama ng saksak sa itaas na bahagi ng kanyang tiyan habang detenido na ang suspek na si Ace Adrales, 36, barker ng mga passenger jeepney.

Lumilitaw sa  ulat ng San Juan City Police, kay Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Bernabe Balba, na dakong 2:30 ng hapon nang maganap ang krimen sa N. Domingo Street, sa naturang barangay.

Nauna rito, noong mga nakalipas na araw ay paulit-ulit umanong pinagsasabihan ng traffic enforcer ang suspek na huwag magpapasakay ng pasahero sa harapan ng isang simbahan sa N. Domingo Street, dahil no unloading zone doon.

Noong Pebrero 20 ay muli umanong pinagsabihan ng biktima ang suspek ngunit ikinagalit ito at bago umalis ay pinagbantaan ang biktima.

“Put… mo! Babalikan kita, mag-antay ka!,” babala pa umano ng suspek.

Hindi naman ito pinansin ng biktima at sa halip ay ipinagpatuloy lamang ang pagtupad sa kanyang tungkulin.

Habang naka-duty naman ang biktima ay bigla na lang itong nilapitan ng suspek, at kaagad na inundayan ng magkasunod na saksak sa tiyan, gamit ang isang balisong.

Nakita naman ni Task Force Disiplina Enforcer Arnold Carreon ang pangyayari at kaagad na sumaklolo. Mabilis namang tumakas ang suspek patungo sa direksyon ng M. Mendoza Street ngunit naaresto rin ng traffic enforcer habang isinugod ang biktima sa pagamutan upang malunasan. Nakumpiska mula sa suspek ang isang balisong na may habang 12 pulgada.

 

 

 

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment