TOTOY NADULAS SA CREEK, INANOD

Quezon City-1

PATULOY na hinahanap ng mga tauhan ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office, Bureau of Fire Protection at Philippine Coast Guard ang labi ng batang biktimang nadulas at nahulog sa creek sa Barangay Obrero, Quezon City.

Halos magdamag nang ginagalugad ng mga awtoridad ang nasabing creek makaraang mahulog ang biktimang kinilalang si Jusfer ‘Uno’ Orquina, 11-anyos.

Ayon kay Barangay Chairman Jose Segundo, dakong alas-3:00 ng hapon noong Huwebes nang iulat sa kanila na may batang nahulog sa creek habang nangangalakal ng basura.

Napag-alaman, may nakita umanong palutang-lutang na bola sa creek ang biktima kaya tinangka niya itong abutin ngunit nadulas at tuluyang nahulog.

Nahawakan pa umano ng kanyang mga kasama ang biktima ngunit dahil malakas ang agos ay natangay si Orquina.

Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office, Bureau of Fire Protection at Philippine Coast Guard para sagipin ang biktima.

Gayunman, dahil marumi ang tubig at lagpas ng limang metro ang lalim ay napilitan silang pansamantalang itigil ang operasyon.

Labis naman ang pag-aalala ng ama ng biktima na si Justine Orquina na baka hindi na matagpuan ang kanyang anak na panganay sa apat na magkakapatid.

“Twelve feet na daw po kasi yung lalim nung sapa tapos daw po nasa five feet pa lang daw po sila, hinihigop na raw po sila, may kweba daw po dun sa ilalim. Kapag nagtangke raw po sila pwede sila maipit sa loob ng kweba,” ayon kay Justine. (FRED SALCEDO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment