TANOD NA HUMABOL SA SUSPEK INATAKE SA PUSO

(NI MAC CABREROS)

ISANG barangay tanod ang nasawi nang atakihin sa puso habang hinahabol ang lalaking umihi sa poste sa Marikina City.

Nalagutan ng hininga sa Amang Rodriguez Medical Center ang barangay tanod na kinilalang si Ricky Cruz.

Nakakulong naman ngayon ang isang lalaki nang mahulihan ng patalim makaraang maaresto ng awtoridad at pinaghahanap ang kasamahan nito dahil sa pagiging asal-aso na umihi kung saan-saan.

Kinasuhan ng Alarm and Scandal, Unjust Vexation, Grave Threat, Resistance and Disobedience at paglabag sa B.P 6 si Rustom Padilla, 23, binata, habang pinaghahanap si John Mark Taule, 23, kapwa constructor worker.

Sa ulat, umihi ang dalawa alas-9:45 ng gabi ng Linggo sa Dama De Noche Street., Minahan Interior, Brgy., Malanday, Marikina City.

Sinita ng may-ari ng bahay ang dalawa ngunit nagsisisigaw ang mga ito na ikinaalarma ng publiko at natawag ng pansin ang awtoridad na agad nagresponde. Mahinahong kinausap ng nagrespondeng tanod ang mga suspek ngunit patuloy na nagsisigaw si Padilla kaya’t napilitan ang mga awtoridad para arestuhin ito.

Nang kapkapan ay nakuha kay Padilla ang isang patalim. Nakahulagpos at tumakbo para tumakas si Taule at hinabol ni Cruz ngunit kinapos ito ng hininga. Dinala ang tanod sa nabanggit na pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival. Target ngayon ng manhunt si Taule.

Related posts

Leave a Comment