SAN JUAN ARENA KINORDON NA NG PNP

(NI MAC CABREROS)

MAHIGPIT na pagbabantay ang inilatag ng San Juan City Police sa FilOil Flying V Centre para sa pagsasagawa ng anim na events ng eSports sa 30th Southeast Asian Games.

Sa panayam ng media sa induction ng mga opisyal ng PaMaMaRIZSan Press Corps sa Café Laudico Guevarra, sinabi ni Col. Jaime Santos, hepe ng San Juan City Police, na abot sa 100 pulis ang ikakalat nila sa bisinidad ng FilOil Flying V Centre para mangasiwa sa seguridad at kaligtasan ng mga manlalaro, kasama na rin ang maayos na daloy ng trapiko para makarating sa takdang oras ang mga ito.

Inihayag pa Col. Santos, na base sa isinagawang assessment, wala silang nakikitang threat o banta ng mga outside force na maghasik ng kaguluhan at karahasan sa kasagsagan ng SEAG.

Sinabi pa Santos na bagama’t magsisimula ang eSports sa Disyembre 5 ay ipinuwesto na nito ang kanyang mga tauhan. Magtatagal ang eSports hanggang Disyembre 10.

Hinggil sa kumakalat na ulat sa social media na may van na nangunguha ng mga bata, sinabi ni Col. Santos na bagamat hindi pa kumpirmado ito ay nakabubuting bantayan ng mga magulang ang kanilang
mga anak.

Si San Juan City Mayor Francis Zamora ang nagpanumpa sa mga opisyal ng PaMaMaRIZSan Press Corps kung saan hiniling nito ang magandang ugnayan ng media at Pamahalaang Lungsod para maitaguyod ang pag-uulat ng katotohanan at maayos na pamamalakad ng mga opisyal ng Lungsod tungo
sa pag-unlad ng San Juan City.

Naunang nagsagawa ng ‘simulation exercise’ ang mga kapulisan ng Eastern Police District sa pamumuno ni BGen. Johnson Almazan para maitaguyod ang mga SEAG events sa PaMaMariSan.

Ang reporter na ito ang chair ng Board of Directors ng PaMaMaRIZSan Press Corps habang si Neil Alcober ng Tribune ang Pangulo at si Knots Alforte ng Diaryo Bomba ang Auditor. Binubuo ng Press
Corps sina Vick Aquino ng Abante (VP), Christian Oineza (Secretary), Irwin Corpuz ng Police Files (Treasurer).

 

Related posts

Leave a Comment