PULIS NCRPO SUMUNDO SA MISIS SA PARTY, INAMBUS

(NI DAVE MEDINA)

AGAW buhay sa pagamutan ang isang aktibong pulis makaraang tambangan ng riding in tandem sa Muntinlupa City, Sabado ng madaling araw.

Sinundo lamang ni NCRPO Base Policeman Ariel Gatdula ang kanyang asawa sa Christmas party ng Bgy. Putatan at sakay ng kanyang motor pabalik na ng kanilang bahay sa B5 L4 Manggahan St., Esporlas Itaas, Brgy Putatan, Muntinlupa City, nang buntutan ng riding in tandem saka binaril nang minsanan sa ulo bandang ala una ng madaling araw, sa Bruger St., malapit sa Boss Burger, Brgy Putatan, Muntinlupa City.

Ayon sa witness na si Frances Mira Dela Cruz, hepe ng VAWC  Brgy Putatan, Muntinlupa City, dalawang lalaki ang nakasakay sa motorsiklo na biglang sumulpot at pinaputukan sa ulo ang biktima.

Tumakas aniya ang riding in tandem patungo ng South Bound direction na dala ang baril na ginamit sa ambush .

Isinugod naman ng mga sumaklolong Bgy. Staff si Gatdula sa Medical Center Muntinlupa at doon ginagamot.

Agaran ding nagsagawa ang Police Community Precinct 2 Muntinlupa City Police Station sa pangunguna nina  PSSg Ronald Allan Belarmino at PCpl Randolf Kampoli ng follow-up operation para makilala at maaresto ang mga suspek pero nabigo ang mga ito.

Samantala, tuloy ang pagsasagawa ng malalim na imbestigasyon nina PSMS Arthur  Cortez, PSMS Mark Sherwin  Forastero, PMSg Allan Besa at PSSg Jomil Angelitud ng Criminal Investigation Unit ng Muntinlupa City Police Station.

Related posts

Leave a Comment