PEKENG PSC EMPLOYEE HULI SA REKLAMO NG 6 SA ‘SEA GAMES’ 

(NI ROSE PULGAR)

ISANG 48-anyos na lalaki na nagpakilalang kawani ng Philippine Sports Commission (PSC) ang naaresto makaraang tangayin ang salapi ng anim na katao na kanyang pinangakuan ng trabaho sa nagaganap na South East Asian (SEA) Games na katumbas ng malaking sahod, Martes ng hatinggabi sa Makati City.

Kinilala ni Police Col. Rogelio Simon, hepe  ng Makati City Police, ang nadakip na si Rhoderick Malubago na nakatira sa no. 1224 Batangas St. Barangay San Isidro.

Ayon kay Simon, dakong alas-12:30 ng madaling araw nang arestuhin ng kanyang mga tauhan si Malubago sa kanyang tirahan sa Batangas St. bunsod sa reklamo ng mga biktima.

Batay pahayag nina Marlina Azur, 59, Roland Palapus, 34, Lorenze Manigbas, 33, Grace Garalde, 56, Arlene Magaso, 35 at Ronald Bellen, 34 na pawang mga taga Sansibar, Barangay San Isidro, nakuhanan sila ng tig-P10,000 ng suspect kapalit ng pangako na bibigyan sila ng trabaho sa nagaganap na SEA games at sasahod sila ng P20,000 bilang mga messenger.

Ayon pa kay Col. Simon, nakuhanan din ng P10,000 ng suspect ang ilang mga biktima ng sunog sa Makati kaugnay sa proyekto umanong pabahay at lupa ng PSC para sila ang unang makinabang subalit huli na nang matuklasan nilang nalinlang pala sila ni Malubago.

Pagdating sa himpilan ng pulisya, itinanggi ng suspect ang alegasyon laban sa kanya ng mga biktima.

Subalit hindi naman naniwala ang mga awtoridad sa kanya at ito ay ikinulong at sasampahan ng kasong estafa thru swindling sa Makati Prosecutor’s Office laban dito.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment