PASAY CITY FIRE: 50 PAMILYA NAWALAN NG TIRAHAN

fire

(NI ROSE PULGAR)

NASA 50 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang tupukin ng apoy ang isang residential area dahil sa umano’y electrical overload sa naganap na sunog sa Barangay Santo Nino sa Pasay City, Sabado ng hapon.

Nagtungo naman si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, upang tutukan ang pagbibigay ayuda sa mga nasunugan na agad inilipat sa evacuation center sa Malibay sa lungsod.

Batay sa inisyal na ulat, nagsimula ang sunog sa Barangay Sta. Nino, Barangay 145 sa nasabing lungsod, dakong 12:49 ng hapon.

Mabilis na kumalat ang apoy at natupok ang 10 bahay na pawang gawa sa light materials at kahoy.

Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog bago tuluyang naapula ito habang tinatayang P100,000 halaga ng naabong ari-arian.

Batay sa imbestigasyon sala-salabat umano ang koneksiyon ng kuryente sa lugar na hinihinalang sanhi ng pagsiklab ng apoy sa lugar.

Sinisi naman ni Barangay chair Reynaldo Legazpi sa kawalan ng disiplina ng mga residente na hinayaan na magkaroon ng sala-salabat na koneksiyon ng kuryente sa lugar.

Sa ngayon ay patuloy pa rin nagsasagawa ng mopping operation ang mga kagawad ng pamatay sunog upang masigurong ligtas na ang naturang lugar.

 

Related posts

Leave a Comment