PARAK INALOK NG SHABU, MANGINGISDA KALABOSO

SHABU-13

PUNO ng pagsisisi ang isang mangingisda matapos na bukod sa binibiling isdang pampulutan para sa inuman ay alukin pa ng umano’y shabu ang isang pulis para tumagal umano ito sa tagayan sa Navotas City.

Sa karsel humantong ang suspek na si Lerick Razon, 26, ng Barangay San Roque, ng lungsod, matapos makumpiskahan ng halos P40,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa nasabing barangay.

Isinagawa ng Navotas City Police Station Drug Enforcement Unit at Philippine Drug Enforcement Agency ang nasabing operasyon dakong alas 10:30 ng gabi.

Isang parak ang lumapit sa mangingisda at sinabing kukuha ng malalaking isdang pang-ihaw at sasabawang ulo.

Sa tagpong ito, lakas-loob na ibinida ni Razon na bukod sa isda ay mayroon pa siyang ibang panindang “pang mahaba-habang inuman”.

Tinindihan naman ng poseur buyer ang pagganap na adik at sinabing kukuha siya ng halagang P300 saka iniabot sa suspek ang marked money.

Nang iabot ni Razon ang isang sachet ng shabu sa undercover cop ay agad na siyang dinamba nito.

Sa kabuuan ay 11 sachet ng shabu na tumitimbang ng 5.8 gramo at may street value na P39,440, ang ang nakuha sa suspek na kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ALAIN AJERO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment