P6.8-M SHABU NASAMSAM SA MANDALUYONG BUY BUST

manda shabu

(NI KEVIN COLLANTES)

INARESTO ng mga awtoridad ang tatlong drug suspects na sinasabing miyembro umano ng notoryosong Buratong drug syndicate matapos mahulihan ng tinatayang aabot sa P6.8 milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation na ikinasa sa isang gasolinahan sa Mandaluyong City, nitong Lunes ng gabi.

Batay sa ulat ng Eastern Police District (EPD), na pinamumunuan ni P/BGen Christopher Tambungan, ang mga naarestong suspek ay nakilalang sina Raihana Pontino, Aliola Sultan at Jassir Panggaga, na sinasabing pawang miyembro ng syndicated criminal gang na konektado sa grupong pinamumunuan ni Ahmin Buratong , na kasalukuyang nagsisilbi ng sentensiya sa New Bilibid Prison (NBP), sa Muntinlupa dahil sa kasong illegal drug trafficking, ngunit patuloy pa ring nag-o-operate sa Metro Manila at lalawigan ng Rizal.

Sila ay nadakip dakong alas-11:25 ng gabi nang pinagsanib na pwersa ng Mandaluyong City Police at Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-National Capital Region (NCR) Regional Office, sa isang buy-bust operation na ikinasa sa isang gasolinahan sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang kabuuang isang kilo ng shabu, na may street value na P6.8 milyon, na nakasilid sa limang plastic na tumitimbang ng tig-100 gramo bawat isa at siyang ipinagbili ng mga ito sa poseur buyer sa halagang P800,000 at 10 pirasong maliliit na plastic pack na tumitimbang ng humigit-kumulang sa tig-50 gramo ang bawat isa; walong bundle ng P1,000 bill na boodle buy-bust money, na katumbas ng P800,000; at isang  silver gray na Toyota Revo, na siyang ginagamit umano ng mga suspek sa pagdedeliber ng kanilang kontrabando.

Ayon sa mga awtoridad, ang mga naarestong suspek ay ilang ulit na nilang tinarget sa illegal drug operations sa Pasig City ngunit hindi maaresto ang mga ito hanggang sa matiyempuhan sa naturang ikinasang operasyon.

“Itong grupo konektado kay Ahmin Buratong na nakakulong sa Bilibid pero may kasamahan na ginagamit para sa pag-distribute ng droga sa Pasig ang center of operations pati Eastern District, Metro Manila and nearby provinces,” pahayag naman ni NCRPO chief, P/Major General Guillermo Eleazar.

Gayunman, mariing pinabulaanan ni Pontino na may kinalaman siya sa ilegal na aktibidad at sinabing binayaran lamang siya ng P2,000 para ideliber ang item, at hindi umano niya batid kung ano ang laman nito, habang tumanggi namang magbigay ng pahayag ang dalawa niyang kasamahan.

Hindi naman kinagat ng heneral ang alibi ng suspek dahil luma na aniya ito.

Ayon kay Eleazar, si Pontino ay dati nang nahuli sa pamamagitan ng isang search warrant sa Pasig dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga at baril, ngunit nakalaya matapos na payagang makapagpiyansa.

Ang mga suspek ay pawang nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

Related posts

Leave a Comment