P200,000 PABUYA VS INFO SA NAGTAPON NG PATAY NA BABOY

AFRICAN SWINE FEVER-4

(NI KEVIN COLLANTES)

MAGBIBIGAY ng dagdag-pabuya na P200,000 ang Marikina City government para sa sinumang makagbibigay ng karagdagang impormasyon sa mga taong nasa likod ng pagtatapon ng may 58 patay na baboy, na pinaniniwalaang dinapuan ng African Swine Fever (ASF), sa Marikina River, kamakailan.

Bagama’t may lead na, mga larawan at impormasyon, ang lokal na pamahalaan hinggil sa insidente, sinabi ni Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro na wala pa umano silang mga testigo na makapagbibigay ng detalyadong impormasyon kung sino ang may kagagawan ng pagtatapon ng mga patay na baboy sa ilog.

Naipaabot na rin aniya nila sa Department of Agriculture (DA) ang nakalap na mga lead, ngunit naghahanap pa sila ng karagdagang impormasyon hinggil dito.

Matatandaang sinabi ng alkalde na nais nilang mapanagot ang mga taong nasa likod ng insidente, at plano nilang sampahan ang mga ito ng mga kasong kriminal at sibil dahil sa perwisyong idinulot ng kanilang ginawa.

Una na ring ipinagbawal ni Teodoro ang pangingisda at maging ang paliligo sa ilog hanggat wala pang katiyakan kung ligtas na ang tubig doon, para na rin sa kaligtasan ng mga residente.

Plano rin ng city government na maghain ng writ of kalikasan sa hukuman sa susunod na linggo base sa mga impormasyong kanilang nakalap.

 

Related posts

Leave a Comment