P100-K MEDICAL ASSISTANCE SA MARIKINA RESIDENTS

(NI KEVIN COLLANTES)

MAGANDANG balita para sa mga residente ng Marikina City dahil inianunsiyo na ni Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro na handa silang magkaloob ng maximum na P100,000 medical assistance sa bawat residente nito na mangangailangan ng tulong.

Ayon kay Teodoro, naaawa siya sa mga taong nangangailangan kaya’t nagpasyang lakihan ang ibibigay na tulong para sa medical assistance na kakailanganin ng mga ito.

“Naawa ako sa mga taong nangangailangan. If sa ibang LGU mababa ang binibigay nila, dito sa Marikina ay hindi ganoon. Hanggang sa P100, 000 ang tulong na pinapaabot namin sa mga ngangailangan na residente,” anang alkalde.

Sinabi ng alkalde na sakaling hindi makababayad ng kanilang hospital bills ay kinakailangan lamang ng mga residente na magtungo sa kanyang tanggapan tuwing Lunes at humingi ng tulong.

May mga tao aniya silang magtutungo sa mga pagamutan at siyang magse-settle ng mga hospital bills ng mga residente na walang kakayahang magbayad para sa kanilang hospitalisasyon.

“We send people to accompany residents seeking medical help. The Marikina LGU is committed to help our residents who are incapable paying for hospitalization and medicines,” ayon kay Teodoro.

Kaugnay nito, maging ang mga health benefits para sa mga residente ng Marikina, partikular na ng mga senior citizens, ay daragdagan pa aniya nila, kagaya ng isinasagawa sa Makati City government.

“We are now coordinating with the local government of Makati City to imitate their health care system,” aniya.

Sa sandali umanong magaya na ng Marikina City ang Health Plus Program (MHP) o Yellow Card ng Makati City, ang mga residente ng lungsod at kanilang mga rehistradong dependents ay magiging entitled na sa libreng outpatient consultation at mabibigyan ng subsidiya sa hospitalisasyon at diagnostic tests.

Maaari rin umano silang mai-refer sa mga partner-facilities upang makapag-avail ng specialized medical at diagnostic services, gamit lamang ang kanilang Yellow Card.

Mabibigyan na rin ang mga residente ng libreng gamot, kabilang ang maintenance medicines para sa hypertension, diabetes at iba pang lifestyle diseases, na ipapamahagi sa pamamagitan ng walong pharmacy outlets sa mga strategic locations sa lungsod.

Nabatid na sa kasalukuyan ay mayroong 50,000 senior citizens sa Marikina na inaasahang makikinabang sa naturang programa.

Ayon kay Teodoro, ang pangangalaga sa kalusugan ng mga residente ang isa sa kanyang pangunahing prayoridad, at tiniyak na gagawin ng kanyang administrasyon ang kanilang makakaya upang mapagkalooban ang mga ito ng de kalidad at accessible health care.

“The commitment of Marikina City is to provide accessible and quality health care services for all,” anang alkalde.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment